Mabilis na modernisasyon ng Philippine Coast Guard, pinuri ni Pangulong Duterte

PINURI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabilis na modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG).

Personal na nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Transportation Secretary Art Tugade kay Pangulong Duterte matapos purihin ang Philippine Coast Guard sa mabilis na modernisasyon.

Ayon sa kalihim, sa loob ng limang taon, mas lumakas ang pwersa ng coast guard dahil sa mga nadagdag na personnel, headquarters, modern equipment, at iba’t-ibang programa at proyekto.

Mula sa 6-7,000 coast guard personnel noong 2016, ngayon ay nasa mahigit 20,000 na ang kanilang bilang, habang patuloy pa ang pagtanggap ng mga karagdagang miyembro ng coastal community auxiliary division ng PCGA, upang bantayan ang mga karagatang sakop ng Pilipinas.

Napalalakas din ang maritime security and safety capabilities ng Philippine waters, lalo na ng West Philippine Sea, dahil sa mga acquired aerial at sea assets gaya ng multi-role response vessels (MRRVS) na nasa ilalim ng maritime safety capability improvement project phase I at phase IIi, at Cessna Caravan 208 aircraft.

Kabilang din dito ang dagdag na 570 lighthouses for surveillance na ang operational sa bansa at itinatayong coast guard districts, buildings, at stations sa iba’t ibang panig ng bansa.

Giit pa ng DOTr, hindi magiging posible ang mga ito kung hindi dahil sa sakripisyo ng mga opisyales at empleyado ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ilan pa sa mga ipinagmamalaki ngayon ng ahensiya ang pagtatag ng 209 buoys sa bansa, PCG hospital ship, CG special operations force boat support facility, at PCG K-9 academy.

Kahapon, matagumpay na naisagawa ang re-supply mission sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea .

Bandang alas-11:00 ng umaga nang dumating sa BRP Sierra Madre at nai-deliver ang mga supply para sa mga sundalong nakadestino sa lugar.

Isa ang Philippine Coast Guard sa nakaalerto sa Pagasa Island para subaybayan ang paglalayag ng barko na may dalang mga pagkain.

Kasabay nito ang suporta ng Philippine Air Force para tiyakin ang ligtas na emosyon ng pamahalaan sa lugar.

Maaalala nitong November 16 nang hinarang ng tatlong Chinese coast guard vessel ang dalawang civilian na bangka na nagdadala ng supply para sa mga sundalo.

Hindi pa nakontento ay gumamit pa ng water canon dahilan para i-abort ang misyon at bumalik ang mga ito sa Palawan.

SMNI NEWS