PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ceremonial blessing ng dalawang bagong dating na Atak helicopters na binili ng Pilipinas sa Turkey.
Ginanap ang naturang seremonya sa Presidential Security Group (PSG) Compound sa Malacañang Park, araw ng Biyernes, Disyembre 9.
Ang T129 Atak helicopters ay bahagi ng 6 units na na-acquire ng Philippine Air Force (PAF).
Ito ang pinakabagong karagdagan sa air assets ng bansa sa ilalim ng PAF Modernization Program.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa Turkish Aerospace Industries at sa Turkish government bilang katuwang ng bansa sa pagpapalakas ng PAF.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang serbisyo at galing ng air force lalo na sa aspeto ng external defense, internal security operations, at disaster response at relief operations.
Kapag operational na, inaasahang susuporta ang mga air asset na ito sa maraming misyon ng AFP at magpapahusay sa surface strike system ng PAF.
Gagamitin din ito para sa close air support para sa ground troops, armed surveillance at reconnaissance.
Samantala, kabilang sa naroon sa blessing ceremony sina Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge (OIC) Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro at PAF Commanding General Lt. Gen. Anthony Canlas Sr.