LAYUNIN ng panukalang pagbubuo ng isang ‘national public school database’, ang magiging angkop ang ipatutupad na intervention program para sa bawat mag-aaral.
Ayon ito kay Senator Sherwin Gatchalian sa panayam ng SMNI News hinggil sa kaniyang inihain na Senate Bill No. 478 o ang Public School Database Act.
Sa kabilang banda, gamit ang database, maaari na ring ma-assess ng Department of Education (DepEd) kung gaano kataas ang illiteracy rate ng isang paaralan o maging ang drop out cases.
Ang performance rin ng mga guro sa bawat paaralan ay tinitingnan din na maisama sa database.
Kasama rin sa panukala ang school grades, personal data, good moral record, improvement tracking, at iba pa.
Punto ng senador, ang mga pisikal na records ng mga ito ay madali lang ding nasisira dahil sa hindi magandang storage, baha, sunog, at iba pang kalamidad kaya mainam kung mayroong digital database.
Samantala, hinggil sa pag-aaral na may mababang intelligence quotient (IQ) level ang mga Pilipinong mag-aaral, sinabi ni Gatchalian na totoong nangangailangan din ng tulong ang mga ito sa larangan ng edukasyon.
Binigyang-diin ng senador na nagtutulungan naman ngayon ang lahat na kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.