MAITUTURING na sintunado at depektibo ang inaprubahang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) ng Kamara na isinumite sa Senado.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ito ay dahil sa maraming hindi klaro sa nilalaman, lalo na sa pagkukunan ng pondo.
Ang problema pa ayon kay Pimentel, binigyan ng kapangyarihan ang lilikha ng Maharlika Investment na mangutang.
Kapag nagkataon, mas lalong lolobo aniya ang ating utang at posibleng utang ang maipamana sa ating mga kababayan.
Paliwanag pa ni Pimentel na dahil walang nakasulat sa bill paano iku-compute ang return of investment, walang mahihikayat na foreign at domestic investor na mag-invest dito.
Talo rin aniya tayo kapag nakipag-joint venture sa foreign investor dahil bibigyan pa ito ng share sa kikitain.