PASADO na sa House Committee on Basic Education and Culture ang isang consolidated bill na layong magtayo ng public schools sa mga liblib na lugar sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang pamahalaan na magtayo ng ‘Last Mile Public Schools,’ na itatayo sa mga napakalalayong lugar sa bansa o Geographically Isolated Disadvantaged Conflict-Affected Areas (GIDCAS).
Kabilang din sa scope ng panukala ang mga dati nang paaralan ngunit may apat lamang na classroom.
“Importante po na ma-institutionalize itong mga bill na’to maging batas siya una kasi hindi lang DepEd po ang masasali dito. Ang kasama po sa bills, kailangan tumulong ng DPWH kasi hindi lang naman po mga buildings ang itatayo,” pahayag ni Rep. Roman Romulo, Chairman, House Committee on Basic Education and Culture.
Mayroon nang existing na programa ang DepEd na Last Mile Schools ngunit ayon kay Romulo, hindi sapat ang pondo para dito.
Taong 2019 pa nang madiskubre ng DepEd na nasa P46-B ang kailangang pondo para magpatayo ng 9,000 na Last Mile Schools.
At matututukan aniya ito kung may batas dahil nasa P1.5-B lamang ang pondo dito sa 2023.
“Kailangan po ay pag-aralan na rin po ng DepEd yung paggamit po ng teknolohiya. Baka itong mga lugar po na ito ay maiayos naman po natin yung DICT or Philsat para magkaroon ng wifi o connectivity para hindi man natin agad-agad yung 9,000 schools na ito matayuan ng gusali o ng rooms eh pwede po thru online,” ayon kay Romulo.
Para naman sa isang kongresista, hindi lang basta eskwelahan ang itayo dahil aniya dapat sabayan ng kalsada ang mga itatayong last mile schools.
Dahil kung walang kalsada, wala ring pag-unlad ang mga eskwelahan.
“Nakita ko ang DPWH of course in partnership with the Department of Tourism, meron silang budget for roads leading to tourism sites mayroon ding mga roads leading to economic zones. Meron ding roads leading to ports and airport, bakit hindi natin magawan ng allocation for roads leading to last mile schools. Para pag may construction ng last mile schools bidding meron ding kalsada na gawin para kumpleto yung ibigay natin na solusyon sa mga problemang ganito,” pahayag ni Rep. Dale Corvera, 2nd District, Agusan del Norte.
Panawagan naman ng mga mambabatas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan nito ang naturang panukala.
“Ang Pilipinas po, medyo may mga remote areas talaga kung saan po hindi ganoon kadali na mapuntahan po ng imprastraktura, hindi madaling mapuntahan po naman ng kahit teachers po no kaya yung last mile schools po na ito para ma-institutionalize po natin ay napakahalaga,” ayon kay Romulo.