OPISYAL na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagtanggal sa Executive Order (EO) No. 39, na nagtatakda ng mandated price ceiling sa regular at well-milled rice sa bansa.
Ang kautusan ay kasunod ang pagtaas ng suplay ng stock ng bigas at pagbaba ng presyo nito sa merkado.
Sa dalawang pahinang EO No. 42 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Oktubre 4, nakasaad na ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ay magkatuwang na nagrekomenda kay Pangulong Marcos ng pagtanggal ng EO 39.
“The DA and DTI have jointly recommended the lifting of the mandated price ceilings in view of the decreasing rice prices in the domestic market, increasing supply of rice stock, and declining global rice prices,” nakasaad sa EO 42.
Kung matatandaan, ang DA at ang DTI din ang parehong mga ahensiya na nagrekomenda sa Pangulo na maglabas ng EO 39, o ang pagpapatupad ng ipinag-uutos na P41 price cap sa regular milled rice at ang P45 price ceiling sa well-milled rice sa buong bansa, na naging epektibo noong Setyembre 5.
Sa ilalim ng EO 42, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensiya na patibayin ang kanilang mga kasalukuyang programa at inisyatiba upang magbigay ng suporta at tulong sa mga magsasaka, retailer at mga mamimili.
Ito’y upang matiyak ang katatagan ng presyo ng bigas sa bansa.
Nauna rito, sinabi ng Punong Ehekutibo, na siya ring kalihim ng DA, na ang mandated price ceiling sa regular at well-milled rice ay nakatulong sa pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing pagkain sa merkado.
Sumang-ayon naman dito ang mga mambabatas kay Pangulong Marcos at sinabing ang price cap sa bigas ay kabilang sa mga salik na nagpatatag sa rice prices.