HANGGANG ngayon ay masama pa rin ang loob ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ sa mga politiko na bumoto para bawasan ang pondo ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Muling naungkat ang usapin sa pagkakaltas ng pondo ng NTF-ELCAC matapos ang ginawang panayam kay Undersecretary Astra Pimentel sa SMNI Exclusive program ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Si Pimentel ang nag-iisang katutubo na naglalayong makakuha ng upuan sa mas Mataas na Kapulungan ng Kongreso ngayong Mayo.
Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala si Pastor Apollo habang iniisip nito ang kinahinatnan ng pondo ng NTF-ELCAC.
Isa itong programa ng pamahalaan na tumutulong upang maihatid ang karampatang serbisyo ng gobyerno partikular na sa paglaban sa usapin ng insurhensiya sa bansa.
Sa kanyang panayam kay Undersecretary Astra Pimentel sa programang SMNI Exclusive, nabatid nito ang kahalagahan ng programa lalo na sa mga indigenous people sa bansa.
Ayon kay Pimentel, sa kabila ng unti-unting pagtaas ng lebel ng pamumuhay ng maraming Pilipino sa bansa sa ilalim ng Pamahalaang Duterte sa pamamagitan ng mga programa nito para sa ekonomiya at imprastruktura, marami pa rin sa mga kababayan ang salat pa rin sa serbisyo-publiko, lalo na ang malayang access sa edukasyon dahil sa kahirapan.
“Mga IPs kadalasan niyan lalo na kapag pumunta sa paaralan mahiyain, hindi pa nila nai-explore yung tunay na galing nila, hindi pa nila nailalabas yung tunay na kapasidad nila kasi nga, mayroong insecurity, very late pa. Tapos pagdating doon sa eskwelahan mayroon pang iba yung pananamit, may diskriminasyon, nai-inferior sila, tapos kapag tinatawag, kahit alam yung sagot, hindi nagtataas ng kamay dahil nag-iisip pa na baka mali yung sagot kahit alam naman niyang tama. Ito yung mga ano no na kailangang ma-develop natin. Unang una doon, giving them access through infrastructure,” pahayag ni Pimentel.
Para kay Pimentel, dito na sana papasok ang programang NTF-ELCAC na may tiyak na layunin para maiangat ang magandang pamumuhay ng mga Pilipino lalo na sa mga kabataan.
“Kaya nga ‘yung programa ng NTF-ELCAC, sabi ko nga, sana hindi kinaltasan kasi sobrang maraming naabot na mga sa mga barangay,” ani Pimentel.
Ayon kay Pastor Apollo, masama rin ang kanyang loob hanggang ngayon dahil sa ginawa ng iilang politiko upang kaltasan ang pondo ng NTF-ELCAC sa halip na suportahan ito.
Giit pa ni Pastor Apollo, walang ibang iniisip ang mga senador na ito kundi pamumulitika lang.
“Kaya masama ang loob ko doon sa kumaltas hanggang ngayon. Di ko mapaniwalaan na kayo mga lider ng bansa hindi niyo alam. Kami alam namin, kayo mga senador, kayo hindi niyo alam? Tapos kinakaltas ninyo kasi gagamitin daw sa politika. It’s only politics that is in their head. National interests my friends,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Sang-ayon rin dito si Pimentel sa opinyon ng butihing Pastor.
“Like for example dito sa atin sa norte. Sobrang layo, alam natin yung terrain of the north. Kalinga, Mountain Province ‘di ba. Ang challenge nila pagpunta sa sentro sobrang laki ng challenge,” ani Pimentel.
Kwento pa ni Pastor Apollo, nananatiling hamon ang kawalan ng maayos na daan lalo na sa paghahatid ng mga produkto ng mga katutubong mamamayan.
“Sa amin lang, napipilay yung kabayo pagdala ng goods, ng sayote, yung gulay, hindi makapasok, hindi makapunta sa bayan kasi yung daan lubak-lubak, kapag umulan ang putik hanggang tuhod ng kabayo. Pag nabaon yung paa ng kabayo hindi niya mahila, napipilay hanggang mabubulok yung mga goods nila hanggang bibilhin ng mura. So, noong nagkaroon ng NTF-ELCAC, napakaraming surrenderees, wala nang lalanguyan ang mga NPA, nagsurrender na rin sila, susi eh, tapos kinaltas?” ayon pa ni Pastor Apollo.
Nauna nang naging kontrobersiyal ang ilang senador sa panukalang pagkaltas sa pondo ng NTF-ELCAC para sa susunod na fiscal year.
Ayon sa naunang plano, umabot sa P28 bilyon ang mungkahing pondo para sa programa ngunit tahasan itong ibinaba sa P4 bilyon at muling iminungkahi hanggang sa P17 bilyon.
Kaugnay nito, nauna na ring naalis ang tiwala ni Pastor Apollo sa ibang kandidato na malayo ang puso sa nasyonal na interes lamang.
“Kaya kailangan tayong mga senador na iyong nainvite ko dito, yung din ang hinaing nila ang NTF-ELCAC, bakit ginanon ninyo. Kayong mga nandidiyan na, dapat palitan na kayo eh, hindi niyo alam eh, di ba napapanahon na?” ani Pastor Apollo.
Matatandaang isa si Pastor Apollo sa mga nagbabala sa mga politiko na kumakandidato ngayong eleksyon na huwag iboto kung mapatutunayang isa ang mga ito sa pumabor sa pagkakaltas ng pondo ng NTF ELCAC. Bagay na sinang-ayunan rin ng maraming netizen bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan kontra insurhensiya.