Pastor Apollo, naniniwalang dapat nang mag-move on sa Martial Law

Pastor Apollo, naniniwalang dapat nang mag-move on sa Martial Law

KASABAY ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972, nagbigay ng mensahe ang honorary chairman ng SMNI na si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Sa kanyang programang Powerline nitong Miyerkules, sinabi ni Pastor Apollo na panahon na upang mag-move on ang bansa mula sa baluktot na kasaysayan ng Martial Law na ipinangangalandakan ng mga komunistang teroristang CPP-NPA-NDF na anila’y isang diktador at mapang abuso ang gobyernong umiral noon.

Ani Pastor Apollo, ang dapat huwag kalimutan ay ang higit limang dekadang karahasan ng CPP-NPA-NDF sa bansa.

“Tapos na ‘yun, tapos na iyong kabanatang ‘yun. 50 years na, ang ‘wag nating kalimutan itong 53 years na panloloko sa atin. Martial Law, ilang taon lang ‘yun, 8 years, nakaganda pa nga. May pang-aabuso, siguro mga 10%, considering sa 53 years, 54 years na pang-aabuso nila. Ilang years na ‘yan? At kasalukuyang ginagawa pa nila, ang walang pakundangan pagpatay ng mga sundalo, mga police, mga sibilyan. ‘Yan ang inyong ipinamumudmod sa amin?” pahayag ni Pastor Apollo.

Inilahad din ng butihing Pastor ang kanyang personal na karanasan sa panahon ng Martial Law noon.

“Evangelist ako noon, Maribel. Lumilibot ako sa buong bansa ng mga panahong ‘yun. Wala man akong na-experience na masama,” ayon pa ni Pastor Apollo.

“Maganda nga ang pagkalakad ko, wala. Parang walang Martial Law para sa akin. Basta’t law abiding ka lang, God-fearing, wala. Hanggang sa na-lift ang Martial Law. Kaya ako’y nagpapasalamat, ang tatay ko kung matatawag mo pa ngayon, Marcos Loyalist ‘yan, ang tatay at nanay ako. Sinabi ko na ‘yan kay Bongbong noong kumakandidato siya bilang senador na ‘yun ang bilin ng tatay ko na si Marcos talagang botong-boto siya,” ayon pa ng butihing Pastor.

Sa kabilang banda, hinding-hindi naman makakalimutan ni Pastor Apollo ang masalimuot nitong karanasan sa kamay ng mga komunistang teroristang grupo.

“So, ito namang experience ko dito sa mga, itong mga ahas na ‘to, ang sama ng experience ko dito sa Agdao pa kami noon.  Sa Agdao hanggang sa kung ano ‘yung mga na-experience natin, itatabi ang .45, Bible, papipiliin ka, Bible o 45? Tingnan mo ang kalokohan nila. ‘Yung administrator natin sa Hawaii, ‘yung tatay niya binaril sa harap niya, 11 years old pa si Sis. Felina. ‘Yung kamag-anak ng ating administrator ngayon si Sis. Nova, binaril ‘yung tito niya. Ang utak sumabog doon sa kisame dahil hindi nagbigay.  Marami pa. ‘Yung ministro nating pinatay na sinaksak ng ice pick. ‘Yan sila. Marami pa, naka-catalog na dito sa akin ‘yan eh. Kami mismo pinagbantaan ng mga ahas na ito. Ang tangi lang naming mga armas noon ‘yung prayer at rebuke. Papatayin daw nila kami. Sabi ko, ‘pag may nadisgrasyang ministro diyan, ako’y magra-rally, ilalagay ko sa flatbed, walang kabaong tapos maglalagay ako ng malaking karatula. 1980s ‘yun. Maglalagay ako ng malaking karatula, ibabandila ko ang kanilang ginawa. Mabuti’t pinrotektahan kami ng Dakilang Ama. Marami pa. Wala lang tayong time dito ngayon na ilahad ko. Puro kawalang hiyaan, puro kalokohan at puro pananakot ang ginawa ng mga ahas na ito. Hindi ko kayo makakalimutan,” ayon sa butihing Pastor.

Samantala, muling binigyang-diin naman ng butihing Pastor na kung hindi idineklara ang Martial Law sa bansa ay posibleng isang komunistang bansa na ang Pilipinas.

“Itong kanilang isinisigaw—ng CPP-NPA-NDF, “Never Forget, Never Again to Martial Law,” iyong Martial Law na sinasabi nila kasi nagkaroon ng paghinga ang Pilipinas na hindi tayo mahulog sa bitag ng komunismo. Muntik-muntik na ‘yun eh. Kung hindi lang dineklara ni Pangulong Marcos iyon, wala na. Komunista na tayo. Si Sison ngayon ang namamayagpag dito at papatayin nila ang lahat ng hindi nila kaalyado. Ngayon nga, wala pa silang kapangyarihan, wala nang habas pumatay di ba? Wala nang habas mag-massacre di ba? Parang wala lang sa kanila. Lalo na kung sila ang naging hari at naging gobyerno natin,” diin ni Pastor Apollo.

Muling inilahad din ng butihing Pastor na hindi naman aniya dapat kalimutan din ang mga karahasan na ginawa ng gobyerno sa panahon ng pagpapatupad ng Martial law, ngunit kung titimbangin ang bigat ng trahedyang dulot ng mga komunistang terorista sa bansa, na ilang milyong beses ang lala nito.

“Kung abuses ang pinag-uusapan, 8 years lang ang Martial L aw. Pwede mong i-category ‘yung mga abuses na nangyari noong mga panahon na iyon ng mga sundalong abusado rin. At hindi naman inutos ng Pangulong Ferdinand Edralin Marcos iyon noong mga panahong iyon na mang-abuso kayo. Indibidwal na pang-aabuso iyon sa kanila. Pero hindi iyon ang doktrina ng militar natin. Hindi maiwasan mayroong mga ganu’n kasi batas-militar iyon pero kung ihahambing mo sa pang-aabuso na ginawa ng CPP-NPA-NDF sa 54 years, ay wala sa katiting iyon na kanilang ikinakapital para ngayon ay magrebelde sila at ang pang-aabusong ginawa nila, dinoble nila ng million times iyong kinamumuhian nilang pang-aabuso daw ng Martial Law. Iyon ang ginawa nila 1 million times sa bansang Pilipinas for 54 years,” ayon pa ni Pastor Apollo.

Kaya naman hindi na napigilan ni Pastor Apollo na ihalintulad sa demonyo ang mga rebeldeng komunista.

“Kayo? Mga barbaro kayo. Itong mga CPP-NPA-NDF, mga barbaro kayo, barbaric kayo. Kulang na lang sabihin ko mga satanas kayo, mga demonyo kayo,” ayon sa butihing Pastor.

“Kaya iyong mga CPP-NPA-NDF na ‘to, mga yawa ‘to. Ang espiritu ni Lucifer at ng yawa sumanib sa inyo lahat. Biro ninyo, walang pakundangan pumapatay kayo. Sa Rano Massacre, tinapon ang bata sa taas, sinalo ng bayoneta. Tao ba ‘yan? Bakit hindi ninyo sinasabi ‘yan? Tapos nung nagsitakbuhan sa simbahan, niratrat eh, mina-chine gun, nagsitakbuhan doon sa isang bahay, sinundan pa doon ang mga bata, niratrat na naman ang mga bata doon sa loob ng bahay. Ang dugo bumabaha doon sa ilalim, tao ba ‘yan? Ang bata, initsa sa taas, sinalo ng bayoneta. Tao ba kayo? Mga yawa kayo, mga demonyo kayo, nagkatawang tao,” ayon pa ni Pastor Apollo.

Kaugnay rito, ang mga katagang never forget at never again, ani Pastor Apollo, ay nararapat para sa mga komunistang teroristang grupo.

“Sinong mas masahol ngayon? Na dapat sinabi nilang “Never Forget, Never Again to the abuses of the CPP-NPA-NDF. Tayo ang magsasabi nu’n 1 million times. Huwag na ninyong gawin iyan,” aniya.

Nagbigay naman ng paalala si Pastor Apollo na huwag matakot sa mga komunistang terorista bagkus ay dapat kondenahin ang CPP-NPA-NDF.

“Binabalot niyo sa takot ang bansang Pilipinas na papatayin niyo kung hindi aayon sa inyo. We will as one people condemn… sabay-sabay na i-condemn lahat,” ani Pastor Apollo.

Samantala, kung mayroon nang SMNI noon na pinamumunuan ni Pastor Apollo, ayon sa butihing Pastor, hindi mapapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

“Kung mayroong SMNI noong mga panahong ‘yun, hindi mapapatalsik si Pangulong Marcos (Sr.), tatayo tayo para sa kanya sapagkat tama ‘yung ginawa niya. Pero sayang lang at wala pa. Ngayon, mayroon na kaya vindicated naman kasi tayo sa SMNI, tumulong ng 100% sa kampanya ni Bongbong Marcos hanggang siya ay naging pangulo. 31 million overwhelming votes, 32 million para sa vice president overwhelming ang pag-ayon ng tao sa kanila. Kaya, ‘yan ang ating future na hinaharap, itabi na natin ito at harapin natin ngayon ang ginagawa, ‘yung Martial Law na sinasabi nila, 30 years ago, pero itong ginagawa nilang pagpamaslang, pananakit at pambubulabog sa ating bansa, 53 years, puros kabulastugan ang inyong nai-contribute, puro paninira, pagpatay, panununog, pang-aalipusta.  ‘Yan ang dapat nating sabihang, ‘Never forget, never again.’ Hindi na kami papayag,” ayon pa ni Pastor Apollo.

Follow SMNI News on Twitter