AMINADONG marami pang kailangang gawin para matupad ang mga pangako ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Marami pa ring dapat gawin para matupad ang lahat ng pangako sa kampanya, ayon kay PBBM.
Sinabi ito ng Pangulo sa isang media interview sa Parañaque City, matapos ang isang taong maupo sa puwesto.
Inihayag ng Punong Ehekutibo na ang kaniyang administrasyon ay nakamit ang mga makabuluhang pagbabago at paglago sa unang taon nito sa panunungkulan, ngunit higit pa aniya ang dapat gawin ng kaniyang administrasyon sa mga susunod na taon.
“And so yes, we have done a lot of work. I think we have seen many of the changes. We are beginning to see the systemic changes that are going to be part of the new bureaucracy. But there’s still a long way to go. We continue to work on the economy to make sure that our basics, our macroeconomic basics are in place,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ipinunto ni Pangulong Marcos na kailangan pang bawiin ng kaniyang administrasyon ang halos 40 taong kapabayaan sa sektor ng agrikultura, na sumasakop pa rin sa pinakapangunahing bahagi ng ekonomiya.
PBBM, sang-ayon sa ‘incomplete grade’ na binigay ng ekonomista sa kaniya pagdating sa agrikultura sa unang taon sa puwesto
Inilarawan din ni Pangulong Marcos ang pagsasakatuparan ng kaniyang mga pangako sa kampanya bilang isang “work in progress.”
Kasabay nito, kumbinsido si Pangulong Marcos sa “incomplete” grade na ibinigay sa kaniya ng isang ekonomista pagdating sa agrikultura, sa kaniyang unang taon sa panunungkulan bilang Chief Executive.
“I saw a report where one of the economists said the grade that I will give the President for agriculture is “incomplete”. I agree with him. We are not yet done. Ang dami pa nating gagawin. There are many, many things that we still need to do,” dagdag ng Pangulo.
Binanggit din ng Chief Executive na ang kaniyang administrasyon ay gumagawa pa rin ng mga programa at proyekto na magpapababa ng inflation sa bansa.
“We are still fighting with inflation. Talagang ‘yan isa pa rin ‘yan na pinakamalaking problema na hinaharap natin. At lahat ng ating maaaring gawin ay ginagawa natin para hindi masyadong nahihirapan ang taong-bayan,” aniya.
Matatandaang binanggit ng Pangulo na maglalagay muna siya ng mga pagbabago sa istruktura sa Department of Agriculture (DA) bago bumaba sa puwesto bilang Kalihim nito, upang matiyak ang food security sa bansa.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na mula nang maupo siya bilang DA Secretary, naglagay siya ng ilang malalaking pagbabago upang matugunan ang mga isyu sa sektor ng agrikultura.
Nais ng Pangulo na magkaroon ng mahusay na mga sistema ang Agriculture Department upang matiyak ang seguridad ng pagkain bago umalis sa ahensiya.