PBBM, lilipad sa Malaysia para sa isang state visit

PBBM, lilipad sa Malaysia para sa isang state visit

LILIPAD patungong bansang Malaysia si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos kasunod ng naging imbitasyon ng Hari ng Malaysia.

Sa darating na Hulyo 25 – 27, 2023 ay bibisitahin ni Pangulong Marcos ang bansang Malaysia.

Inaasahang magiging kasama sa delegasyon maliban kay First Lady Liza ang ilang key cabinet officials kabilang na dito ang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at miyembro ng economic team.

Ito ay matapos maimbitahan ng ika-16 na Hari ng Malaysia na si Sultan Abdullah Sultan Ahmad Shah.

Ayon sa DFA sa press briefing sa Malacañang ay nakatakdang magkita sina Pangulong Marcos at Hari ng Malaysia.

“President Ferdinand R. Marcos and First Lady Ma. Louise Araneta-Marcos were invited by the King of Malaysia to undertake a state visit to the country on 25th to 27th July 2023. During the visit the President will have an audience with the King of Malaysia and a meeting with the Prime Minister Anwar Ibrahim to identify new areas of synergy between the two countries,” ayon kay Ma. Teresita C. Daza, Spokesperson, Department of Foreign Affairs.

Magkakaroon din ng pagpupulong si Pangulong Marcos kay Malaysian Prime Minister Dato Sero Anwar Ibrahim.

Una nang napag-usapan ng dalawang lider nang bumisita si Anwar sa Pilipinas nitong Marso ang pagpapatuloy sa pakikipagtulungan sa usaping politikal at seguridad lalong-lalo na sa laban kontra transnational crime at terorismo.

Ang pagbisita ni Anwar sa Pilipinas ang kauna-unahang official visit ng isang head of government para sa taong 2023.

PBBM, makikipagpulong sa Malaysian business leaders

Inaasahan din ang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos kasama ang business delegation nito sa Malaysian business leaders para sa mga business and investment opportunities para sa mga Pilipino.

“During the visit the Philippines (?) Will also meet with prominent Filipino and Malaysian business leaders to enhance bilateral trade and investments and to explore economic opportunities for the Filipino people,” dagdag ni Daza.

Mga Pilipino sa Malaysia, kukumustahin ni PBBM

Makakaasa naman ang mga Pilipinong nagtra-trabaho sa Malaysia na personal na makukumusta ng Pangulo sa Kuala Lumpur.

Ayon sa DFA na base sa talaan nito mula noong taong 2022 ay 100,000 ang bilang ng mga Pilipino nagtra-trabaho at naninirahan sa Malaysia.

Nasa 14,488 dito ang bilang ng mga Pilipinong nagtra-trabaho bilang household service workers, 300 professionals, 700 highly skilled workers, 800 semiskilled workers at nasa 260 naman ang general laborer.

Maharlika Fund, Sabah issue, posibleng matalakay sa state visit sa Malaysia

Hindi iniaalis ng DFA ang posibilidad na mapag-usapan ang Maharlika Fund sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Malaysia.

“Yes, it’s very safe to presume and assume. It’s pretty safe to assume that it will maybe raise and promoted during this visit,” ani Daza.

Hindi man makumpirma ng DFA kung muling mapag-uusapan ang isyu ng Sabah claim ng Pilipinas ay nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan dapat magkaroon ng masinsinang pag-uusap ukol dito.

Matatandaang ibinahagi ni Pangulong Marcos sa kaniyang vlog ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng Sabah claim kasunod ng naging pagbisita ni Anwar sa Pilipinas nitong Marso.

“Napag-usapan din namin ang issue ng Sabah ‘yun ang alam niyo naman may claim tayo diyan sa Sabah na sinasabi natin eh nasa Pilipinas yan ngayon sila ang administrator ng Sabah kaya sabi namin kailangan nating pag-usapan ng masinsinan yan at ‘yung mga Foreign Affairs Secretary namin ay mag-uusap diyan kung ano pa ang pwede nating gawin,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Malaysia ay umaasa ang pamalaan na madadagdagan ang mga investment pledges upang madagdagan ang mga oportunidad sa Pilipinas para sa karagdagang trabaho at negosyo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble