NAIS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na makabuo ang Department of Agriculture (DA) ng farm-to-market road (FMR) masterplan na magsisilbing gabay ng pamahalaan sa hangaring isulong ang food security sa bansa.
Sa pulong na ginanap sa Bureau of Soils and Water Management Convention Hall sa Quezon City, natalakay ang patungkol sa catch-up operation plan para mapahusay ang produksyon ng pagkain.
Kabilang din sa mga paksa na napag-usapan ang FMR network plan.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng DA na sa naturang masterplan, dapat kasama rito ang regional maps na nagdedetalye ng eksaktong mga lokasyon ng gagawing farm-to-market roads.
Aalamin din dapat aniya ang mga lugar na talagang kailangang mag-construct ng FMR roads.
Iginiit ni PBBM na dapat masusing mapag-aralan ng DA ang masterplan at maipresenta sa economic managers.
Inihayag din ng Chief Executive na dapat kasama rin sa plano ang funding source, payment terms maging ang time frame para sa project completion.
Bukod sa FMR projects, natalakay rin sa meeting ni PBBM ang mas mahusay na sistema ng food mobilization sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga kooperatiba ng Food Terminal Incorporated (FTI).
Sa pamamagitan nito, masusuportahan ang distribusyon ng agricultural products lalo na sa vulnerable sectors ng komunidad.
Nakatuon ang lahat ng ito sa pagpapabilis ng pagpatutupad ng mga programa, aktibidad at proyekto (PAPs) para sa produksyon ng palay, mais, palaisdaan, gulay, hayop, at manok.
Mababatid na tumagal ng mahigit dalawang oras ang pulong ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng DA.
Inihayag ni Agriculture Undersecretary for Consumer and Political Affairs Kristine Evangelista na inalam din ng Punong Ehekutibo kung anong magagawa ng ahensiya upang matulungan ang mga magsasaka at mapalakas pa ang produksyon lalo’t tumaas ang presyo ng abono.
Sa kabila ng bumubuti nang local production, nananatili pa ring mataas ang presyo ng bigas kaya ito ang nais matugunan ni Pangulong Marcos.