PBBM, nakipagpulong sa 4 top ranking Czech officials sa kanyang 3-day state visit sa Czech Republic

PBBM, nakipagpulong sa 4 top ranking Czech officials sa kanyang 3-day state visit sa Czech Republic

UPANG matiyak ang mabungang state visit, nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng apat na nangungunang opisyal ng Czech Republic.

Ginawaran ng arrival honors si Pangulong Marcos sa Prague Castle kung saan siya ay malugod na tinanggap ni Czech Republic President Petr Pavel at First Lady Eva Pavlová.

Sa kanyang pakikipagpulong kay President Pavel, sinabi ni Marcos na tinalakay niya ang mga usapin tulad mga hakbang sa kung paano mapapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Czech Republic.

Nasaksihan din ng dalawang lider ang paglagda sa Joint Communique para magtatag ng labor consultation mechanism sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Czech Ministry of Labor and Social Affairs.

Tinalakay din niya ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa mga isyu sa South China Sea, at ang patuloy na pagsisikap na tuklasin ang iba’t ibang oportunidad sa mga tuntunin ng kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, green economy, renewable energy, space, aerospace, edukasyon, turismo, depensa, at iba pa.

Pagkatapos ng pagpupulong kay President Pavel, nakipagpulong si Marcos kay Czech Senate President Miloš Vystrčil sa Czech Senate kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng bicameral system sa Pilipinas.

Nakipagpulong din si Marcos sa Czech Speaker ng Chamber of Deputies na si Markéta Pekarová Adamová kung saan ipinahayag niya ang pagmamalaki sa industriya at kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.

Bago tapusin ang ikalawang araw ng kanyang 3-day state visit sa Czech Republic, nagkaroon si Marcos ng bilateral meeting kasama si Czech Prime Minister Petr Fiala.

Kasama ni PBBM sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanyang mga pagpupulong sa apat na opisyal.

Ang diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic ay opisyal na itinatag noong Oktubre 5, 1973.

Bago lilipad pabalik ng Pilipinas, magsasalita si Marcos sa Philippine-Czech Republic Business Forum sa Prague at magsasagawa ng bilateral meeting sa isang lokal na kumpanya.

Makikipagpulong din siya sa Filipino community sa Prague para tapusin ang kanyang state visit sa Czech capital.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble