PBBM, pinaiimbestigahan ang hoarding, smuggling, at price fixing ng sibuyas, agri-products

PBBM, pinaiimbestigahan ang hoarding, smuggling, at price fixing ng sibuyas, agri-products

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagsisiyasat kaugnay ng pagpupuslit ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura.

Sa isang video message, tinawag ni Pangulong Marcos ang naturang gawain bilang katumbas ng economic sabotage.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nagbigay siya ng direktiba sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na simulan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling, at price fixing ng mga agricultural commodities.

Sa isang Memorandum to the President ni Marikina Rep. Stella Quimbo, na namuno sa Committee on Agriculture and Food hearings sa House of Representatives, sinabi nito na nabunyag na ang malaking ebidensiya na nagtuturo sa pagkakaroon ng kartel ng sibuyas.

Binigyang-liwanag din ni Quimbo ang mga dahilan sa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022.

Saad ni Quimbo, ang kartel, na pangunahing tumatakbo sa pamamagitan ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI), ay nag-engage sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang farming, importation, local trading, warehousing, at logistics.

Kaugnay dito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga natuklasan na ito bilang sapat na mga batayan upang simulan ang isang imbestigasyon.

Binigyang-diin ng mga pagdinig ang pagtaas ng mga presyo ng sibuyas simula noong Hulyo 2022, na naiugnay sa nakikitang kakulangan ng suplay.

Gayunpaman, ang datos mula sa Department of Agriculture Bureau of Plant Industry ay nagsiwalat lamang ng isang katamtamang kakulangan na humigit-kumulang 7.56 porsiyento noong 2022, na hindi maaaring bigyang-katwiran ang makabuluhang inflation rate na umabot sa 87 porsiyento noong Disyembre 2022.

Iniulat ni Quimbo na ang mga tugon mula sa mga may-ari ng cold storage facility sa panahon ng mga pagdinig ay nagpapahiwatig din ng sapat na suplay ng mga sibuyas sa panahon ng pagtaas ng presyo.

Sa mga pagdinig, itinanggi ni Lilia/Lea Cruz, na kilala bilang “Reyna ng Sibuyas,” na may kinalaman siya sa pag-aangkat ng sibuyas, at sinabing ang kaniyang partisipasyon ay limitado sa trak at pagtulong sa mga magsasaka ng sibuyas.

Gayunpaman, sinabi ni Quimbo na ang ebidensiya na ipinakita sa mga pagdinig ay nagkumpirma ng matinding pagkakasangkot ni Cruz sa industriya ng sibuyas.

Pahayag pa ng mambabatas, si Cruz ang mayoryang stockholder ng Philippine VIEVA Group of Companies, Inc. (PVGCI), na itinatag noong 2012.

Ang PVGCI, kasama ang iba pang major players sa industriya ng sibuyas, ay idinadawit sa mga operasyon ng kartel, kabilang ang koordinasyon ng stock withdrawals at price-fixing sa iba’t ibang stages.

Nagprisinta rin si Quimbo ng isang “Onion Matrix” na kinasasangkutan ng ilang kompanyang nakikibahagi sa pangangalakal at pag-aangkat ng mga sibuyas at iba pang gulay na nakikipagsabwatan sa mga may-ari ng mga cold storage facility.

Kasunod nito, isa sa mga inirerekomendang aksiyon ni Quimbo para mabisang matugunan ang isyu ay ang pagbuwag sa kartel sa tulong ng DOJ, NBI at Philippine Competition Commission.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter