PBBM, pinangunahan ang inagurasyon ng Lake Mainit Hydroelectric Power Plant

PBBM, pinangunahan ang inagurasyon ng Lake Mainit Hydroelectric Power Plant

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inagurasyon ng 24.9-Megawatt Lake Mainit Hydroelectric Power Plant na matatagpuan sa munisipyo ng Jabonga, Agusan del Norte nitong Hulyo 12, 2023.

Ang hydroelectric power plant ay katuparan sa unang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo kung saan target nito na mabawasan ang epekto ng climate change at labanan ang iba pang banta sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng renewable energy.

Sa kabuuang kapasidad na 24.9 megawatts, ang Lake Mainit Hydroelectric Power Plant ay naglalayong maghatid ng maaasahan at accessible na kuryente sa mga consumer ng Agusan del Norte Electric Cooperative, Inc. (ANECO).

Makapaghahatid din ng suporta ang naturang planta sa patuloy na lumalagong demand para sa enerhiya mula sa parehong residential at commercial sectors sa CARAGA Region.

Target nitong magbigay ng humigit-kumulang 100,871 megawatts ng malinis at abot-kayang enerhiya sa humigit-kumulang 45,000 kabahayan sa mga lokal na komunidad bawat taon.

Ang Hydroelectric Power Plant ay sumusuporta rin sa matatag na pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang resilient renewable energy solution.

Ang Lake Mainit ay napapaligiran ng mga Lalawigan ng Agusan del Norte at Surigao del Norte, at ito ang pinakamalalim na lawa sa bansa na may tinatayang maximum depth na 219 meters.

Ito rin ang ikaapat na pinakamalaking freshwater lake sa Pilipinas na nagsisilbing natural water reservoir para sa Lake Mainit Hydroelectric Power Plant.

Ang proyekto ay joint partnership sa pagitan ng Markham Resources Corporation ng Pilipinas at Japanese firm na J-POWER.

Bukod sa pagbibigay ng maaasahan at abot-kayang energy solution, nakatuon din ang parehong kompanya sa pagbabawas ng carbon footprint nito sa mga operasyon ng hydroelectric power plant.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter