PBBM, tutol sa ideyang total deployment ban ng OFWs sa Kuwait

PBBM, tutol sa ideyang total deployment ban ng OFWs sa Kuwait

TUTOL si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr.  sa total ban ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait, na isinusulong ng isang kongresista.

“Well magbaban tayo? Ako I’m never very comfortable ‘yung nagba-ban na ganun dahil parang ang pag-ban sinasabi mo forever na yan, hindi na pwede,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Tinanggihan ni Pangulong Marcos ang ideya na pagpapataw ng total deployment ban ng OFWs sa Kuwait.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag kasunod ng panawagan ni Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas na ganap na ipagbawal ang deployment ng OFWs sa Kuwait dahil sa nangyayaring heinous crimes sa mga Filipino migrant worker.

Sa isang media interview sa Philippine Navy headquarters sa Maynila nitong Biyernes, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi niya gustong magpataw ng kabuuang deployment ban ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait.

Aniya, tila ‘overreaction’ ang naturang hakbang.

 “Kayat I don’t know, ‘yung sometimes overreaction ‘yung ba, basta’t ban lang tayo ng ban, hindi naman tama. We have to react to the situation as it is and I think the proper reaction is to take the decision of the Kuwaiti government to no longer issue new visas. Eh wala tayong ginagawa, it’s their country, those are their rules, so we will just leave that issue open,” saad ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na makikipag-usap sa mga opisyal ng Kuwait sa gitna ng desisyon nitong hindi na mag-isyu ng bagong visa sa mga Pilipinong gustong magtrabaho sa Middle Eastern country.

“And hopefully we will continue to negotiate with them, we will continue to consult with them at baka sakali down the road magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga workers. So hopefully down the road we will continue to work to improve that situation,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Nasa 800 OFWs ang nabigong makapasok sa Kuwait dahil sa bagong deployment ban ng nasabing bansa.

Magugunitang nagpatupad ang Kuwaiti government ng entry ban sa mga Filipino na walang residence permit dahil umano sa hindi pagtalima ng bansa sa napagkasunduan.

“But you know I don’t want to burn any bridges na sasabihin na baka in the future, baka in a little while, a few months from now, a year from now, sasabihin magbago ang sitwasyon, eh baka puwede pa tayong magpadala ulit ng ating mga workers sa Kuwait,” ani Pangulong Marcos.

Ang desisyon ng Kuwait na hindi na mag-isyu ng entry visa sa mga bagong OFW ay bunsod ng paglabag umano ng Philippine government sa bilateral agreement tulad na lamang ng paglalagay ng shelters para sa runaways na OFWs.

PBBM, iginiit na laging handa ang gobyerno na tumulong sa LGUs sa panahon ng kalamidad

Samantala, nagbigay rin ng kaniyang pahayag si Pangulong Marcos patungkol sa kahandaan ng pamahalaan sa pagpasok ng Super Typhoon Mawar.

Aniya, laging handang tumulong ang national government at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGUs) lalo na sa panahon ng emergencies at natural disasters.

Pagtitiyak ito ng punong ehekutibo matapos manalasa ang Super Typhoon Mawar sa bansang Guam kamakailan.

 “The national government is here to assist. We are in constant contact with the local governments para makita natin what is the situation in their place pagka nakadaan na ‘yung bagyo, pagka natapos na ‘yung mga ulan, mabawasan na ‘yung ulan.”

“We are in constant contact with them also to find out kung ano ‘yung kailangan nila, ano ang nangayari dun sa lugar nila and then that way we will be able to respond properly,” ayon kay Pangulong Marcos.

Muli namang sinigurado ng pangulo na naka-preposition na ang relief goods doon sa mga lugar na inaasahang aabutan ng bagyo.

Pagbili ng submarine, bahagi pa rin ng defense plan ng Pilipinas—Pangulong Marcos

Samantala, sa defense plan naman ng pamahalaan, nabanggit ni Pangulong Marcos na bahagi pa rin nito ang pag-acquire ng submarine.

Giit ng chief executive, hindi isinasantabi ng pamahalaan ang plano na pagbili ng submarine para sa Philippine Navy (PN), subalit hindi pa sa mga panahong ito.

“There is a plan. But, it’s still being developed dahil ang commitment para mag-operate ng submarine is not a small commitment. It is a very large commitment…” ani Pangulong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter