PCG, puspusan ang paghahanda para sa inagurasyon ni PBBM sa Hunyo 30

PCG, puspusan ang paghahanda para sa inagurasyon ni PBBM sa Hunyo 30

PUSPUSAN na ang paghahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, 2022.

Kahapon nang nagsagawa ng simulation exercise ang PCG sa Pasig River.

Inihanda rin ng PCG ang ilan sa mga floating assets at security groups na i-de-deploy para tumulong sa pagpapanatili ng kaligtasan, seguridad, at kapayapaan sa araw ng panunumpa ni President-elect Marcos sa Maynila.

Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, asahan ng publiko ang mahigpit na pagpapatrolya ng 3 multi-role response vessels (MRRVs) at humigit-kumulang 10 pang PCG floating assets sa katubigan ng Manila Bay at Pasig River.

Maging ang pagbabantay ng mga PCG land vehicles sa daloy ng trapiko sa mga kalsadang malapit sa National Museum kung saan magaganap ang inagurasyon.

Sa ngayon, sinabi ni Abu na wala silang namonitor na anumang seryosong banta sa gagawing aktibidad.

Magpatutupad din ang PCG ng “no sail zone” sa ilang bahagi ng Pasig River na bahagi ng Malacañang Restricted Area.

Follow SMNI NEWS in Twitter