Peace caravan kasabay ng National Day of Protest Rally ng Hakbang ng Maisug, isinagawa sa iba’t ibang parte ng bansa

Peace caravan kasabay ng National Day of Protest Rally ng Hakbang ng Maisug, isinagawa sa iba’t ibang parte ng bansa

ISINAGAWA ang peace caravan at noise barrage kasabay ng National Day of Protest Rally ng Hakbang ng Maisug sa Quezon City nitong araw ng Linggo, Hunyo 30, 2024.

Maraming sasakyan tulad ng multicab, van, kotse, at mga motorsiklo ang nakiisa sa motorcade mula UP patungo sa kahabaan ng Commonwealth at papuntang SB Park, Batasan Hills sa nasabing lungsod.

Nakapaskil sa mga sasakyan ang mga panawagan na: Peace not War, Freedom from Hunger and Poverty, assert our Democratic Rights, Stop Lawlessness, Defend our Flag, at iba pa.

Bukod sa Quezon City, nagsagawa rin ng motorcade sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Cebu, Davao, Cagayan de Oro at iba pa.

Ayon kay Ed Francisco, isa sa convener ng TAPS Coalition-NCR, ang layunin ng nasabing aktibidad na ipaalam sa mga Pilipino ang mga nangyayari sa bansa at mga naging kakulangan ng kasalukuyang gobyerno.

“Ang aming organisasyon ay isa sa naging biktima ng budol ni BBM. Kaya namin siya sinuportahan ay dahil sa sinasabi niyang UNITEAM o pagkakaisa. Meron bang pagkakaisa? Eh di nagkawatak-watak mula nang siya’y maupo. Ang pagtitipon na ito ay nangangahulugang sawang-sawa na ang mga Pilipino sa mga abusadong pulitiko na hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na sinumpaan para sa taumbayan,” ayon kay Ed Francisco, Convener, TAPS Coalition-NCR.

Pinangangambahang giyera, talamak na krimen at iba pang suliranin sa bansa, idinaing sa ginanap na National Day of Protest

Isa sa sentimyento ni Francisco ay ang posibilidad na magkaroon ng giyera bunsod ng katayuan ng administrasyong Marcos sa gitna ng giriang nangyayari sa South China Sea.

“Maawa ka sa mga bata na most affected dito sa magiging giyera, na napipintong giyera. Sino ba ang nagkakagusto ng giyera. Iyan any physical at psychological destruction, yung human suffering na mangyayari sa ating bansa na katulad ng Ukraine na nangyayari sa ngayon,” ani Francisco.

Samu’t saring suliranin din ang idinaing ni Francisco sa harap ng pamumuno ng Marcos administration.

“Pero in fairness with PBBM, nagpapasalamat ako sa kanya dahil marami siyang napataas. Napataas niya ang presyo ng bigas. Napataas niya ang presyo ng petrolyo. Napataas niya ang presyo ng kuryente. Eh lahat na yata ay napapataas, pati ang krimen, ang korapsyon eh napakataas na. Sana matakot po tayo sa Panginoon at gampanan po natin ay ‘yung mabuting pamamahala,” giit pa nito.

Naglabas din ng kaniyang hinaing si Chuchi Villar, na isa sa mga Organizer at Head ng Parallel Groups ng Maisug at kasapi rin ng TAPS Coalition. Dati siyang direktor ng isang ahensiya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sinabi ni Villar na nalulungkot sila dahil sa dalawang taon nang nakalipas, imbes na umayos ang buhay ng mga Pilipino ay lalo pa itong sumama.

“Kami po sanay na noong panahon ni Pangulong Duterte, unang buwan palang ng pagkaupo niya, marami nang  pagbabago hanggang sa pang-anim na taon ni President Duterte, ramdam natin ang laki ng pagbabago. Ngayon dalawang taon na, ni isang pagbabago, wala kaming nakita, wala kaming naramdaman. Nalulungkot kami at ayaw naming tumagal pa ng ilang taon ang ganitong buhay,” ayon kay Chuchi Villar, Organizer/Head, Parallel Groups of Maisug.

Tulad ni Ed Francisco, isa rin sa pinangangambahan ni Chuchi Villar ang magkaroon ng giyera.

“Nakakatakot, ang dami nating kinakatakutan, itong pending na mangyayaring giyera dahil parang hindi nakakapag-isip nang tama ang ating Pangulo. Pakiramdam din namin hindi siya nakakapag desisyon ng sarili niya. Merong nagde desisyon para sa kanya, bakit po?” giit ni Villar.

Banatikos din ni Villar ang panay biyahe ni Marcos Jr. sa ibang bansa.

“Parang sa tingin ko masyado siyang tuta ng mga Amerikano at bakit po?  Ang tingin ko biyahe siya nang biyahe hindi para sa atin, kundi parang mayroon silang iniingatan, kabuhayan nila o kung ano man iyan o takot lang sila sa mga Amerikano,” dagdag pa nito.

Pinangangambahan din ni Villar ang pagiging talamak na naman ng krimen ngayon, na dati aniya sa panahon ng administrasyon Duterte ay talagang inayos ang problemang ito.

Pinuna rin niya ang palagiang pa-concert ng kasalukuyang administrasyon.

“Walang konsensiya tong mga ito, ang daming nagugutom, ang daming naghihirap, ang daming niloko nila. Tayo nagra-rally dito, sila nagpa-party, may mga fashion show, kung anu-anong concert. Parang noong panahon din ng ama niya, eh parang walang pagbabago, nagmana lang. Wala tayong ibang masasabi kundi, makapal lang at walang pakiramdam. Nakakaawa tayo,” saad pa ni Villar.

Ang National Day of Protest ay ginanap hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa tulad ng Hongkong, Austria, Japan, at California.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble