NAGKASUNDO ang gobyerno ng Pilipinas at mga nangungunang kompanya ng Silicon Valley na magtulungan sa larangan ng artificial intelligence (AI) at cybersecurity.
Sa isang roundtable meeting kasama ang technology companies at venture capitalists sa San Francisco, California, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na upang makasabay sa patuloy na lumalaking demand at pagsulong sa larangan ng AI at cybersecurity, nakatuon ang gobyerno sa upskilling at reskilling ng Filipino workers.
Sa kabilang banda, sinabi ni David Dewalt, CEO ng Nightdragon, na ang kaniyang kompanya at ang iba pang mga tech firm na naroroon sa roundtable ay umaasa na dalhin ang lahat ng mga teknolohiya, partikular ang generative AI sa Pilipinas, na magiging kapaki-pakinabang sa bansa.
Ang Nightdragon ay isang nangungunang venture capital firm para sa cybersecurity, security, safety, at privacy.
Sa kabilang dako, inihayag naman ni Ryan McInerney, CEO ng Visa, na ang generative AI ay magiging isang leveling force para sa maliliit na negosyo.