PASADO na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang Philippine Maritime Zones Bill sa gitna ng pang-aangkin ng China sa buong West Philippine Sea (WPS).
Sa botong 23 o nagkakaisa at walang tutol sa Senate Bill (SB) No. 2492 na nagdedeklarang karapatan at pag-aari ng Pilipinas ang maritime zones ng WPS kabilang ang underwater features na naaayon sa UN Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Ruling.
Sa ilalim ng nasabing panukala, tampok ang sovereign rights at hurisdiksiyon ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone nito sa WPS kalakip ang Benham Rise na kilala ngayon bilang “Talampas ng Pilipinas”.
Sinabi ni Sen. Francis Tolentino, ang sponsor ng panukala, nagpasalamat ito sa mga kapwa nito senador sa suporta at itinuturing itong malaking kasaysayan para sa Pilipinas.
“Kahit ano pong mangyari ngayon sa Bajo de Masinloc. Kahit ano pong mangyari ngayon sa karagatan ng West Philippine Sea. Kahit ano pong mangyari ngayon sa Benham Rise, nakatatak na po sa kasaysayan ang Philippine Maritime Zones Law na magiging bantayog ng ating kalayaan,” sa pahayag ni Sen. Francis Tolentino.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Tolentino na sakaling maging batas ang panukala, ang lahat ng sakop ng Pilipinas sa WPS kabilang ang mga lugar na inangkin ng China ay idedeklarang pag-aari ng bansa.
Nakapaloob din sa panukala na mapoprotektahan ang mga mangingisdang Pinoy sa malawak na yaman ng West Philippine Sea gayundin ang mga hindi pa nagagamit na mapagkukunan ng enerhiya sa lugar.