INIHAIN ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Resolution No. 57 na naglalayong bigyang papuri ng Senado ang mga miyembro ng Philippine Women’s National Football Team sa kanilang makasaysayang pagkakapanalo sa ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship.
“Ang magkakasunod nilang tagumpay at ipinamalas na galing sa international arena ay nagpasigla sa diwa ng bansang Pilipino at nagdala ng karangalan na maipagmamalaki ng bansa at ang mga ito ay karapat-dapat na papurihan ng Senado ng Pilipinas,” sabi ni Estrada.
Ang lady footballers na kilala bilang Filipinas ay nanalo sa puntos na 3-0 sa kanilang laban kontra sa Thailand, na apat na taon nang namamayagpag, sa AFF Women’s Championship na ginanap noong Hulyo 17, 2022 sa Rizal Memorial Stadium.
Ito ang kauna-unahang major international trophy ng grupong Filipinas.
Ang kanilang tagumpay ay dagdag sa mga karangalan na kanilang natamo ngayong taon, una na rito ang kanilang pagkakasali sa FIFA Women’s World Cup 2023 na kanilang nasiguro noong Enero.
Sila rin ay nag-uwi ng bronze medal mula sa Southeast Asian Games na ginanap noong Mayo sa Hanoi, Vietnam.
Huling nag-uwi ang Pilipinas ng medalya mula sa Southeast Asian Games noon pang 1985.
“Nakaka-inspire ang kwento kung paano nila naabot ang kanilang tagumpay at kung paano nilang nilabanan ang mga pagsubok para mapag-tagumpayan ang mga hinarap nilang mga mabibigat na laban sa pamamagitan ng tiyaga, pagsusumikap, disiplina at teamwork,” sabi ni Estrada.
“Ang pagkapanalo ng Philippine Women’s National Football Team ay makasaysayang sandali para sa mga kababaihang Pilipino sa mundo ng sports na male-dominated, kasunod ng Olympic gold medal finish ni weightlifter Hidilyn Diaz,” dagdag pa ng senador.