HAMON ni Mayor Jose Antonio “Ton-Ton” Bustos sa mga bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bayan ng Masantol, Pampanga na tuparin ang iisang bisyon ng kanilang bayan na gawing matatag, maginhawa at panatag ang buhay ng bawat pamilyang Masantoleño.
“Challenge ko po sa inyo ngayon, go out of your comfort zones, do not settle for less, never be complacent. Alam na po natin ang bunga ng katamaran, alam na po natin ang bunga ng kawalang-pakialam, alam na po natin ang bunga ng pagkakaniya-kaniya at alam na rin po natin ang bunga ng pagkakawatak-watak. Our vision can only come into reality when the whole of community and the whole of government works hand-in-hand towards the realization of that one vision,” pahayag ni Mayor Jose Antonio Bustos, Masantol, Pampanga.
Ayon kay Mayor Bustos, ilan sa mga dapat tutukan ng mga bagong halal na opisyal ang kalinisan, disiplina, at peace and order sa lugar.
“Number one po palagi sa ating bayang Masantol administration ‘yung pag-maintain ng kalinisan sa bawat barangay because this reflects kung gaano ka-effective, ka-efficient ‘yung mga nakaupong officials, bawat barangay and that thing goes for the LGU,” dagdag ni Bustos.
Ayon naman sa newly-elected barangay captain na si Majie Magat ng Cambasi, Masantol, Pampanga, prayoridad nito ang kalinisan at peace and order sa kanilang barangay.
“Isa po sa pinakatahimik na barangay ay ang aming barangay, ang Brgy. Cambasi sa Masantol wala pong record na patayan o anumang krimen na nangyayari,” ayon kay newly-elected Barangay Captain Majie Magat, Cambasi, Masantol, Pampanga.
Bilang isang kabataan, may mensahe rin si Mayor Bustos sa mga bagong halal na Sangguniang Kabataan (SK) official sa kanilang lugar kung saan inaasahan nito ang kanilang 100% suporta sa pamahalaan.
Sa ating mga bagong halal at bagong sumpang mga SK officials, inaasahan po ng ating mga kababayan at ng ating local na pamahalaan ang inyong 100% support sa lahat ng adbokasiya ng ipinaglalaban ng ating pamahalaan,” ani Mayor Bustos.
Kaugnay rito, kontra din ang alkalde sa paggamit ng ilegal na droga na mahigpit na ipinagbabawal sa bayan ng Masantol dahil sinisira nito ang buhay at magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Ayon kay JC Caparas, bagong talagang SK official, layunin nitong mailayo ang mga kabataan sa bantang dulot ng ilegal na droga.
“Ngayon hindi natin maiiwasan sa drugs kaya may platform kami na libangan ng mga kabataan which means sports para iwas droga,” ayon kay Newly-Elected SK Chairman JC Caparas, Sta. Lucia Matua, Masantol, Pampanga.
Samantala, paalala naman ni Mayor Bustos sa mga nanalong opisyal na huwag nilang kalilimutan na walang magagawa ang mga ito kung sa sarili lamang nilang kakayahan, lagi umanong isaalang-alang ang Diyos at bayan bilang sandigan ng lahat ng kanilang pangarap para sa mga kababayang Masantoleño.