DINEPENSAHAN ng PDP-Laban ang plano nilang maghain ng petisyon para buksan muli ang filing of Certificate of Candidacy (COC).
Sa panayam ng SMNI News kay PDP-Laban Livelihood Committee National Chairman Rey Mansilungan, hindi nila ito naisipan dahil walang kandidato ang kanilang partido o ang ruling party.
Rason nila, posibleng may iilan pang politiko na nakapagdesisyon na tatakbo sila subalit sarado na ang itinalagang panahon para sa filing of COC.
Ayon pa kay Mansilungan, kung pagbabasehan lang ang Batas Pambansa 881 ng Omnibus Election Code na ipinasa bago pa ang 1987 Constitution, itinakda dito na isang araw bago ang campaign period ay maaari pang maghain ng COC.
Mababatid na Pebrero 9, 2022 ang pasisimula ng campaign period ng national candidates kung kaya’t hanggang Pebrero 8 ay maaari pa sanang maghain ng kandidatura.
Samantala, nakatakdang talakayin ngayong Miyerkules ng COMELEC ang petisyon ng PDP-Laban Cusi wing para pigilan ang simula ng pag-imprenta ng mga balota at muling buksan ang paghain ng kandidatura.
Tiniyak naman ng COMELEC na tuloy-tuloy ang botohan sa Mayo 9 ng taong ito.