BINIGYANG diin ni Senator Christopher Bong Go na mananatili itong kandidato ng PDP-Laban para tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022.
Kasabay ng pamamahagi ng assistance sa mga residente ng Antipolo , Rizal kahapon, Nobyembre 9, sinagot ni Senator Go ang mga kumukwestiyon sa kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente at pinabulaanan ang mga haka-haka na siya ay magbibigay daan para sa ibang kandidato na tatakbo sa 2020 election.
“Alam n’yo ang problema dito… kandidato na po ako ng exactly 39 days…. Ayaw nilang maniwala na kandidato ako as vice president. May partido po ako, kami po ‘yung dominant party ‘yung PDP. At ako po’y kandidato as a vice president,” pahayag ni Senator Go.
Kung siya umano ang tatanungin ay 100 percent siyang tatakbong VP sapagkat hindi siya kontrolado ng ibang mga gustong tumakbo kung saan sa naayon sa batas ay may substitution.
“Ako, kandidato po ako, senador po ako, halal po ako ng higit 20,600,000 Filipinos. Hindi po laro itong pulitika. Kailangan bigyan po natin ng konsiderasyon ang taumbayan na naghalal sa iyo. Kapag kandidato ka na, totohanin mo ‘yun. Gampanan mo ang iyong tungkulin,” ayon ni Go.
Mensahe ni Go sa mga taong ayaw maniwala na determinado siyang tumakbo sa pagka-VP ay hintayin na lamang ang Nobyembre 15 kung may mangyayaring pagbabago.
“Sige, kung ayaw n’yong maniwala antayin n’yo na lang po hanggang 15 kung ayaw n’yong maniwala na kandidato ako as vice president. Kung mayro’ng pagbabago…sige. Kung sa tingin ninyo mayro’ng pagbabago sige po, antayin n’yo na lang po,” ani Go.
Ayon pa kay Go, patunay lamang ang suporta ng publiko sa kanyang kandidatura para mapatotohanang siya ay talagang tatakbo sa pagka-bise sa 2022,
Isa na rito ang makikitang mga tarpaulin sa iba’t-ibang lugar sa bansa mula sa mga volunteers at isinagawang caravan ng mahigit sa sampung libong mga sasakyan kamakailan.
“Kung ayaw ninyong maniwala na kandidato ako as vice president, nakita n’yo naman po all over the country na po ‘yung tarpaulin na naglagay, hindi ko naman po inutusan ang mga ‘yon. Mga volunteers po ‘yon, nag-caravan sila, more than 10 thousand vehicles po nag-caravan sila,” patunay ng senador.
Kabilang na rito ang “Sulong ang Pag-Unlad Movement sa Biliran, Bohol, Cagayan, Camarines Norte, Camiguin, Capiz, Davao de Oro, Eastern Samar, Ilocos Sur, Iloilo, Laguna, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Negros Occidental, Negros Oriental, North Cotabato, Northern Samar, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Pangasinan, Quirino, Rizal, Siquijor, Southern Leyte, Southern Samar, Zambales, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur, Dumaguete, Iloilo, Mandaluyong, Marawi, Iligan, Parañaque, Pasay, Quezon, San Juan, Tacloban at Valenzuela.
Kaugnay nito ay inilunsad din ang Go Bong Go Coalition sa Caloocan City na dinaluhan ng daan-daang mga tagasuporta ni Go sa pangunguna ng 10 grupo kasama na ang Bayan for Bong Go (B4BG), Friends of Bong Go (FOBG), Go Kabataan, Go Youth Movement, Riders Pilipinas, FOBG Riders, Gammakins, LGBT Pilipinas, BAGO 2022, at iba pang volunteer support groups.
Gayundin ang Metro Manila Caravan na dinaluhan ng iba’t ibang sektor bilang suporta sa pagtakbo ni Go.
Nagpasalamat naman si Go sa suportang natatanggap at nangakong susuklian ito ng kanyang serbisyo at walang masasayang na oras ni minuto kung sakaling suwertihin na mahalal bilang bise presidente.
“Maraming salamat po sa inyong suporta sa akin. Nakakataba po ng puso. At susuklian ko po ‘yon ng serbisyo kung sakaling susuwertihin po ako at ihalal po ako bilang bise presidente,” pahayag ni Go.
