BALAK kasuhan ng Philippine National Police (PNP) si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte dahil sa diumano’y pahayag nito na may alam siya kung nasaan si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Pero ayon sa dating tagapagsalita ng palasyo na si Atty. Harry Roque na dapat mahiya ang PNP sa mga aksiyon nito.
“Yung chief PNP eh nagbanta pa kay dating PRRD na baka siya kasuhan. ‘Yung obstruction of justice dahil alam daw niya kung nasaan si Pastor Quiboloy. Naku sir PNP, ano ba naman, hindi ba kayo nahihiya sa sarili niyo?” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.
Ito na lamang ang nasambit ni Atty. Harry Roque kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil kaugnay sa balak nitong magsampa ng kasong “obstruction of justice” laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa sinabi diumano ng dating pangulo na alam niya kung nasaan ang kinaroroonan ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Pero para sa dating palace official, mas dapat kwestiyunin ang kapasidad ng PNP sa kanilang mga operasyon at hindi kailangang pag-initan ang isang retiradong presidente ng bansa dahil sa nalalaman nito gayong may malaking intelligence funds ang PNP pero hindi nito magawang makakuha ng impormasyon sa kanilang hinahanap.
Sa katunayan ani Roque, lumalabas na dereliction of duty na ang ginagawa ng PNP kasunod ng mga kapalpakan nito partikular na sa paghahanap kay Pastor Apollo.
Matatandaang, perwisyo ang idinulot sa iligal, marahas at mapang-abusong operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF) sa ilang religious compounds ng KOJC sa Davao City at Sarangani Province. Gayunpaman, wala pa rin silang nakuhang Pastor Apollo.
“Dalawang batalyon na ang inyong iginugul para hulihin ang limang lugar para hulihin ang isang Pastor Quiboloy, walang Pastor Quiboloy. Napakalaki ng information, ng inyong intelligence funds para malaman kung nasaan si Pastor Quiboloy, walang Pastor Quiboloy,” giit ni Roque.
“Ngayon mayroon pang pabuya na 10-M, wala pa rin si Pastor Quiboloy. Tapos pag-iinitan niyo ngayon ang isang retiradong presidente ng bansa dahil alam niya kung saan ang Pastor Quiboloy at kayo hindi? Medyo dapat mahiya na kayo dahil ito po ay mukhang dereliction of duty na. Dahil dapat sa dami ng resources ng gobyerno dapat alam niyo na kung nasaan si Pastor Apollo Quiboloy,” saad pa nito.
PNP Chief Marbil, mukhang walang alam sa batas ─former palace official
Samantala, tinawag rin na walang alam sa batas ni dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang hepe ng pambansang pulisya sa paniniwalang posibleng may alam si dating pangulong duterte sa kinaroroonan ng kaniyang subject.
Ani Panelo, hangga’t walang matibay na ebidensiyang hawak ang nagsabi na may alam siyang impormasyon sa isang taong target ng mga awtoridad ay hindi ito maituturing na paglabag sa batas.
“Ito pong kay President Duterte, ‘yung plano nila eh nagpapakita lang na unang-una corny nga, hindi niya (Gen. Marbil) alam kung ano ang joke at kung ano ang hindi. Assuming na hindi joke, eh di niya alam ang batas, ignorante siya sa batas. Sapagkat may desisyon ang Korte Suprema. Kung ‘yun lamang na sinabi niya na alam ko ‘yan, secret, ay hindi puwede ‘yan, kailangan you have true introduced proof that the former president has covered acts that will conceal, that will help the escape, that will prevent the law enforcement to arrest him, to Pastor. Eh wala naman. Kaya kalokohan lahat ‘yan. Kaya ‘yun ay isang pag-amin na naman na bigo sila,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Dagdag pa ni Panelo kay Marbil, huwag gawing escape goat si dating pangulong Duterte sa mga kapalpakan nito sa pag-aresto sa isang tao.
“And please, Mr. PNP Chief, huwag mong gawing escape goat itong si Presidente Duterte sa pagkabigo ninyo sa inyong incompetence sa pag aaresto ng isang tao,” saad pa nito.