PNP Chief Carlos, pinangunahan ang pagbisita sa PNP Museum

PNP Chief Carlos, pinangunahan ang pagbisita sa PNP Museum

KASABAY ng pagbisita at pag-alala sa mga natatanging kabayanihan ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa bansa, muling tumanggap ng panibagong pagkilala si PNP Chief Police General Dionardo Carlos ng National Security and Public Safety Administration Honoris Causa.

Isang natatanging pagkilala dahil sa pangunguna nito sa kaayusan at katahimikan ng bansa bilang pinuno ng organisasyon.

At sa kanyang panibagong responsibilidad, personal itong humingi ng suporta sa lahat ng mga kawani ng PNP sa buong bansa para sa pagpapanatili ng tiwala ng mamamayan sa pambansang pulisya.

Samantala, buhay na buhay ang mga alaala at kasaysayan ng Philippine National Police sa pagbubukas ng PNP Museum sa publiko.

Ayon kay Philippine Navy Reserve Commander Flordeliza Villasenor, bilang isang cultural worker, ipinagmamalaki nito ang kahalagahan ng pagbuhay ng mga kwento ng kasaysayan na nagmumulat sa kamalayan ng mga Pilipino lalo na sa mga kabataan na balikan at mahalin ang kasaysayan ng bansa.

Saludo, dasal at pag-alala sa ating mga bayaning pulis sa serbisyo na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan pitong taon na ang nakaraan.

SAF 44, isa lamang ito sa mga tampok na alaala sa kasaysayan ng Philippine National Police.

Pinangunahan ni Carlos ang pagbisita sa PNP Museum para magbalik tanaw sa kasaysayan ng pambansang pulisya.

Ayon kay Deputy Chief for Directorial Staff Police Lt. General Vicente Danao Jr., malaki ang maitutulong ng museum na ito para alalahanin ang katapangan ng mga kasamahan nito sa serbisyo para ipagtanggol ang bayan.

Giit pa ni Danao, masasalamin rin sa PNP Museum ang malalaking hamon ng PNP sa seguridad ng ating bansa gaya ng terorismo, pero dahil sa matapang na pagtupad sa kanilang tungkulin, matagumpay pa rin ang pamahalaan laban  sa mga banta ng seguridad sa bansa

Kasama rin sa ginawaran ng pagkilala si Villasenor, bilang Outstanding Achievement Medal Awardee, pinakamataas na parangal na iginagawad sa isang indibidwal dahil sa natatangi nitong kontribusyon partikular na sa pagpapalakas ng turismo at kultura sa bansa.

Sa bawat pagdaan ng bagong kasaysayan, maraming alaala ang hanggang ngayon ay nagiging batayan ng kasalukuyang pamumuhay ng maraming Pilipino.

Sa araw na ito, ang pagtatampok natin sa Philippine Nation Police Museum, isang pag-alala sa mga kabayanihan ng bawat opisyal ng pambansang pulisya na nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng kapayapaan at katahimikan ng bawat komunidad sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter