HUMINGI na ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Information Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) laban sa operasyon ng e-sabong.
Ito ang iginiit ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. lalo’t ang mga nabanggit na ahensya ang eksperto sa usapin ng communication technology.
Ayon kay Azurin, dahil sa makabagong teknolohiya ay madaling nakakataya ang mga tumatangkilik sa e-sabong.
Hindi aniya ito katulad ng operasyon ng regular sabong sa cockpit arena na nagbabantayan ang mga laro.
Kasabay nito, sinabi ni General Azurin na bumuo na si Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng isang multi-agency task group laban sa e-sabong bilang pagtalima sa Executive Order No. 9 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.