PNP, maghahain ng reklamo laban sa isang returning Filipino na tinaguriang “massage girl”

PNP, maghahain ng reklamo laban sa isang returning Filipino na tinaguriang “massage girl”

MAGHAHAIN ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) laban sa isang tinaguriang “massage girl” dahil sa paglabag sa health protocols.

Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, ito’y matapos napag-alaman na si “massage girl” ay isang returning Filipino na umuwi ng bansa mula sa Estados Unidos noong Disyembre 22 at hindi rin sumunod sa itinakdang  health protocols ng gobyerno.

Batay sa report, sa halip na dumaan sa isang quarantine hotel sa Makati, ang nabanggit na babae ay dumiretso sa kanyang condominium unit sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Nagpa-massage pa ito at ipinost sa social media ang larawan kahit pa kinakailangan pa itong isasailalim sa quarantine.

Ayon kay Carlos, maghahain sila ng reklamo kung makakakita na ng probable cause ang PNP laban kay massage girl.

Matatandaang nag-viral din si Gwyneth Chua o mas kilala bilang ‘poblacion girl’ matapos itong maki-party sa Poblacion, Makati noong Disyembre kahit na hindi pa nakumpleto ang quarantine sa Berjaya Hotel.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter