TUMANGGAP ang PNP Maritime Group ng mga kagamitan mula sa Bureau of International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL) ng U.S Department of State.
Pinangunahan ni PNP Maritime Group Director Police Brigadier General Harold Tuzon ang pagtanggap sa mga kagamitan mula kay INL Manila Director Kelia Cummins, kasama si INL Maritime Law Enforcement Advisor Mark Everson sa isang seremonya sa Camp Crame, Quezon City.
Ang donasyon na nagkakahalaga ng 3 milyong piso ay binubuo ng mga binocular, waterproof digital camera, handheld VHF radio, at first aid kit.
Sinabi ni Cummins na kumpiyansa sila na mapaghuhusay ng PNP Maritime ang kanilang kakayahan sa tulong ng mga kagamitan.
Una nang tumulong ang Amerika sa pagtatatag ng Special Operations Unit ng PNP Maritime sa Palawan at Tawi-Tawi, at pagpapalakas sa underwater crime scene investigations (UCSI) at illegal, unregulated, and unreported (IUU) fishing ng pulisya.