MULI na namang nagpatupad ng balasahan ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng liderato ni Police General Rommel Francisco Marbil sa ikalimang pagkakataon.
Anim na matataas na opisyal ng pambansang pulisya ang isinailalim sa nasabing balasahan.
Batay sa inilabas na General Orders, epektibo kahapon, Mayo 14, ililipat sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) si PBGen. Kirby John Kraft mula sa Police Regional Office 13 (Caraga).
Papalitan si Kraft ni PBGen. Alan Nazarro mula sa Highway Patrol Group (HPG) at papalitan naman ito ni PBGen. Jay Cumigad na mula naman sa Directorate for Plans (DPL).
Ililipat naman sa Directorate for Comptrollership si PCol. Rudencido Reales mula sa Police Regional Office 3 (Central Luzon).
Habang magpapalit lamang ng puwesto sina PCol. Bernardo Perez mula sa Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) at PCol. Edwin Quilates mula naman sa PNP Training Service.
Una nang ipinaliwanag ng PNP na ang pagpapatupad ng balasahan ay bunsod ng pagreretiro ng ilang mga matataas na opisyal sa kanilang hanay.