PINANGUNAHAN ni PBGen. Kirby John Kraft regional director ng Police Regional Office (PRO)-13 ang paglunsad ng media action center na layuning mas mapabilis na pag-access ng lahat ng media outfit sa tamang impormasyon kaugnay sa nagpapatuloy na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Kaugnay nito, patuloy na maganda ang takbo ng peace and order sa buong Caraga at wala pang naiulat na untoward incident na may kaugnayan sa BSKE.
Samantala, ang Philippine National Police (PNP) ay mayroong 6,800 personnel na naka-deploy na sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ng Caraga upang magbigay ng seguridad sa bawat botante ng rehiyon.
“Paulit-ulit po kahit na noong send-off at sa mga tropa sa mga police station na na-inspection ko, sinasabi ko na we should remain non-partisan po. Ang trabaho lang natin dito ay protektahan at parserbisyohan ang nangangailangan at syempre election period e-ensure natin na lahat ng tao ay makakaboto e-ensure na safe po sila,” ani PBGen. Kirby John Kraft-Regional Director-PRO-13.
Gayunpaman mensahe rin nito sa mga kandidato na huwag nilang gagawin ang vote-buying at hayaan ang mga mamamayan ang mamili sa nararapat na mamuno sa kanilang barangay.
“Sa mga kandidato naman po, muli sinasabihan po namin sila na bawal po ang vote-buying at vote-selling so iwasan po ang magkaroon ng gulo, hayaan po natin na ang ating bayan o ating mga kababayan ang magdesisyon kung sino po ang uupo bilang barangay at SK sa kanilang lugar,” dagdag ni Kraft.