ANG pagsasabatas ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Bill ay makahahadlang sa masamang intensiyon ng mga scammers at kriminal na nagtatago ng kanilang pagkakakilanlan, ayon kay Senator Grace Poe.
“Ang panukalang ito ay isang kongkretong hakbang para mas maging ligtas ang ating sistemang pang-telekomunikasyon, gaya ng inasahan natin sa pagpasa nito noong 18th Congress,” ayon kay Poe sa kanyang sponsorship speech sa committee report sa panukalang SIM Registration.
“Hindi tayo nag-iisa sa ganitong uri ng patakaran. Sa buong mundo, halos karamihan ay pabor sa SIM Registration: May kabuuang 157 bansa ang may batas na nag-oobliga sa SIM Registration, kabilang na ang mga bansang may mataas na paggalang sa data privacy rights,” paliwanag pa ng chairperson ng Senate Public Services Committee.
Sa paglipana ng scam texts, ani Poe,
”Nakakalula. Hindi na natin kailangang lumayo pa: Buksan mo lang ang cellphone mo at mabibilang mo na kung ilang scam at spam messages ang na-re-receive mo kada araw.”
Sa ilalim ng panukala, sinabi ni Poe na ang salitang “card” sa “SIM card” ay tinanggal na para magbigay-daan sa bagong types ng SIM na hindi nakapaloob sa card form tulad ng eSIM.
“Sinisiguro nating ‘future-proof’ ang batas para di tayo mahuli sa teknolohiya ng mga scammer,” saad ni Poe.
Ginagarantiyahan din ng nasabing panukala ang data protection at privacy ng mga mamamayan.
“Obligasyon ng mga telco na panatilihing ligtas ang isinusumiteng mga impormasyon sa central database. Para matiyak na mapoproteksyunan ang mga datos, ang DICT (Department of Information and Communications Technology) ay inaatasang magsagawa ng annual audit sa pagsunod ng telcos sa tamang information security standards,” ayon kay Poe.
“Heavy emphasis is placed on the absolute confidentiality of submitted information, and disclosure is only allowed upon a court order or subpoena, or with the consent of the subscriber, or in compliance with the Data Privacy Act. Any breach of confidentiality will be punished,” dagdag pa niya.
Napanatili rin sa panukala ang probisyon na nagsasaad na anumang pag-aalinlangan sa interpretasyon ng anumang probisyon at implementing rules and regulations ay dapat bigyang kahulugan nang naaayon sa pinakamataas na paggalang sa privacy at sa paraang iniingatan ang karapatan at interest ng SIM subscribers.
Sa ilalim ng panukala, ang pagpaparehistro ay isang pre-requisite sa activation ng isang SIM, kung saan ang bumili nito ay obligadong magsumite ng duly accomplished electronic registration form at magpakita o mag-upload ng government ID o ibang katulad na uri ng dokumento bago ma-activate ang SIM.