Pondo para sa mga pasilidad pang-edukasyon, learning materials, tumaas sa panukalang 2024 budget—DBM

Pondo para sa mga pasilidad pang-edukasyon, learning materials, tumaas sa panukalang 2024 budget—DBM

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaloob ng gobyerno ng mga pangangailangan sa pasilidad, textbooks, at iba pang learning materials upang tugunan ang tinatawag na learning losses.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, naglaan ng P33.755-B ang DBM para sa Basic Education Facilities (BEF) ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).

Ito’y mas mataas ng 44 porsiyento kumpara sa P23.417-B alokasyon nito sa 2023 General Appropriations Act (GAA).

Ang nasabing programa ay nakatuon sa siyam na aspeto kabilang ang:

  • Pagpapagawa ng 7,879 na mga bagong silid-aralan at technical vocational laboratories;
  • Rehabilitasyon at pagsasaayos ng 10,050 na mga silid-aralan;
  • Pagbili ng 21,557 sets ng mga school desks, furniture, at fixtures;
  • Electrification ng 432 na mga silid-aralan;
  • Pagpapagawa ng 333 na mga priority school health facilities,
  • Tatlong medium-rise school buildings,
  • 72 library hubs,
  • 16 Special Needs Education (SNED)-Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs);
  • 4 na Alternative Learning System (ALS)-Community Learning Centers (CLCs).

Ang mga nabanggit na proyekto ay isasagawa sa lahat ng sulok ng bansa, maging sa mga liblib na lugar.

Samantala, makatatanggap ng P3.4-B ang iba’t ibang proyektong imprastruktura ng State Universities and Colleges (SUCs).

Para naman sa mas maraming learning materials para sa mga mag-aaral, P12-B ang inilaan ng DBM sa pagbili ng textbooks at iba pang instructional materials.

Kabilang dito ang learning packages, resources para sa mga library hub, at printed materials, alinsunod sa bagong curriculum para Kinder at Grades 1, 4, at 7.

May inilaan ding karagdagang P3.9-B sa procurement ng mga kagamitan sa pag-aaral, kabilang ang science and mathematics equipment at technical vocational and livelihood equipment.

Nasa P8.9-B naman ang alokasyon para sa DepEd Computerization Program na siyang gagamitin sa procurement ng learning cart packages, laptops para sa mga guro at non-teaching personnel, at iba’t ibang ICT equipment para sa pagtataguyod ng MATATAG Center sa 2024.

Inihayag ng DBM na layon ng allocated funds na higit na palakasin ang adbokasiya ng administrasyon para sa sektor ng edukasyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble