PINAGBIGYAN ni House Speaker Martin Romualdez ang hiling ni Cotabato City Rep. Bai Dimple Mastura na magtayo sa Kamara ng prayer room para sa mga kapatid na Muslim na nagtatrabaho sa Mababang Kapulungan.
Noong Miyerkules bago ang session recess sa Kamara ay personal na hiniling ni Mastura sa lider ng Kamara ang kanyang concern na agad namang pinagbigyan.
Saad ni Mastura na “Tiniyak ni Speaker Romualdez na matutugunan ang kahilingang ito upang ipakita at ipadama na ang Kongreso ay isang malaya at makabuluhang espasyo para sa lahat ng paniniwala at relihiyon.”
“In shaa allah! Maraming salamat Speaker Martin Romualdez,” saad ni Mastura.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa pagpaabot ng concern na ito ng mga kapatid na Muslim sa Kamara.
“Kami po ang dapat magpasalamat sa inyo, Congresswoman Bai Dimple Mastura, sa pagbibigay-alam sa amin ng pangangailangan ng ating mga kapatid na Muslim na mambabatas at kawani ng Kongreso,” saad ni Romualdez.