APRUBADO na ng Pag-IBIG Fund ang isinusulong na pabahay program ng Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP) sa pamahalaan.
Sinagot na ng Marcos administration ang pabahay para sa mga tsuper matapos aprubahan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng LTOP at Pag-IBIG fund.
Sa pulong balitaan, ipinaalam ni Liga ng Tranportasyon at Operator ng Pilipinas President Orlando Marquez na aprubado na ng Pag-IBIG Fund ang kanilang hiling na pabahay sa mga tsuper.
Isa kasi ito sa kanyang idinulog kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong nangangampanya pa na mabigyan ng importansya ang mga tsuper sa pamamagitan ng pabahay program.
Paliwanag ni Marquez, karamihan sa mga tsuper ay walang permanenteng tirahan habang ang iba naman ay nangungupahan lamang.
Ani Marquez, magiging katuwang din sa pabahay program ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na pinangunahan ni Sec. Jose Acuzar.
“Nagpapasalamat po kami sa Pag-IBIG Fund dahil dumulog po kami dahil nasabi ko po ito sa ating Pangulong Bongbong Marcos noong nangangampanya pa dahil tinanong niya kung ano ‘yung mga priority program namin nasabi namin ito. Kaya awa ng Diyos po ito ay ginawa kaagad ni Secretary Jerry Acuzar,” pahayag ni Marquez.
Tinatayang nasa 6 milyong tsuper na miyembro ng Pag-IBIG Fund ang inaasahang makikinabang sa nasabing programa.
Nabatid na maliban sa LTOP, humiling ang iba pang transport group ng pabahay program sa pamahalaan, kabilang na ang National Federation of Transport Cooperative at Stop and Go Transport Coalition.
Pagbibigay-diin ni Marquez, maisasakatuparan na ang matagal nang inaasam ng mga tsuper na magkaroon ng sariling village o community.
“Kasi kaysa nag-uupa sila, kasi ang ating driver na nag-uupahan sa Metro Manila kung disenteng pabahay na mga nagpapa-upa na pribado ay 7,000 hanggang 10, 000 di ba ang paupa. Ngayon, dito sa atin ay ang hulog lang nila ay nasa 4,750 ganoon ho ang fee,” ani Marquez.
Dagdag ni Ka lando isang condominium ang itatayo para sa nasabing programa na matatagpuan sa Bacoor, Cavite.