MALALIMANG iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pamamaril sa mag-live in partner sa loob ng bus sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ito ang inihayag ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo sa Pulong Balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, may tinitingnan na ang pulisya na posibleng person of interest lalo’t nagkaroon ng alitan ang babaeng biktima at ang anak nito.
Nabatid na kinasuhan ng carnapping ng biktima ang kaniyang anak at kasalukuyang nakalaya matapos makapagpiyansa.
Patuloy na sinusuri ng pulisya ang dash cam footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na bumaril sa mga biktima.
Inaalam din kung bahagi ng gun-for-hire group ang mga suspek at ang mga posibleng kasabwat nila sa krimen.
Tiniyak ni Fajardo na ginagawa ng pulisya ang kanilang makakaya upang malutas ang krimen at mapawi ang pangamba ng publiko na sumasakay ng bus.