Quarantine period sa umuuwing OFWs, maaaring gawing 10 araw lang —eksperto

NAGLATAG ng ilang opsyon ang ilang eksperto kaugnay sa restriksyon na ipinapatupad sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) tulad ng pagtapyas ng quarantine period.

Una rito umapela si Labor Secretary Silvestre Bello III sa ginanap na Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kung maaari bawasan na ang quarantine days ng mga nagbabalik-bayang OFW.

“Talagang hirap na hirap sila. They are crying…and we cannot close our eyes to miseries of our OFWs,” pahayag ni Bello.

Giit ni Bello, mayroon lamang maliit na porsiyento ang nagpopositibo sa mga umuwing overseas workers na kasalukuyang naka-standby sa iba’t-ibang quarantine hotel ng bansa.

Sa panig naman ng mga eksperto, iminungkahi ng ilang miyembro ng Technical Advisory Group (TAG) ng Department of Health (DOH) na mula sa 14 araw, pwedeng bawasan sa 10 araw ang mandatory quarantine period basta’t wala itong sintomas.

Habang ipagpapatuloy na lamang ang nalalabing araw ng pagku-quarantine ng mga nasabing OFW sa kanilang bahay o sa pasilidad ng kanilang lokal na pamahalaan.

Pero, sinabi ng medical experts na ang dalawang linggong quarantine period pa rin ang akma upang matiyak na walang OFWs ang positibo sa COVID-19 oras na pinayagan na silang umuwi sa kani-kanilang probinsya.

“So, ito po ‘yung proposed changes as we have already mentioned. We can shorten the duration of quarantine from 14 days. If there are no symptoms to the end of 10 days.” ayon kay Dr. Edsel Salvaña, member, Technical Advisory Group-DOH.

Samantala, hindi pa handang ikompromiso ni Pangulong Duterte ang quarantine period para sa returning OFWs  makaraang mapakinggan ang rekomendasyon ng mga eksperto.

Binigyang-diin ng punong ehekutibo na pinakinggan nito ang payo ng health experts.

Nais pa rin ng Presidente na magpatuloy ang mahigpit na patakaran sa quarantine at testing protocols sa mga nagbabalik-bayang OFWs upang masigurado ang kaligtasan ng kanilang pamilya at kababayan mula sa sakit na COVID-19.

“I am not ready for a compromise lalo na ngayon, ‘yung ibang siguro, yung rabies, rabies dyan pero ito talagang, as you have said, dapo rito, dapo roon, then you have the exponential problem now of how to take care of the Philippines,” ayon kay Pangulo.

Sa huli, inihayag ni Pangulong Duterte na kaniya pang masusing pag-aaralan ang naturang usapin bago maglabas ng pinal na desisyon.

SMNI NEWS