Rep. Pulong Duterte, hinamon ang nagsasabing nagbulsa siya ng P51-B noong 18th Congress

Rep. Pulong Duterte, hinamon ang nagsasabing nagbulsa siya ng P51-B noong 18th Congress

HINDI na nga napigilan pa ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na maglabas ng kaniyang saloobin patungkol sa isyu na ibinabato ng liderato ng Kamara sa kaniya.

Ang paratang- tumanggap aniya siya ng P51-B mula sa unprogrammed funds ng kaniyang distrito noong nakaraang Kongreso.

Ayon kasi kay Ako Bicol Party-list at Chairman ng House Appropriations Committee Cong. Elizaldy Co, may report umano na may malaking pondo na na-release sa Mindanao noong 18th Congress partikular na sa Davao.

Pinasinungalingan naman ito ni Cong. Pulong at hinamon ang mga kongresista na maghanap ng bangko na magpapakitang may ibinulsa siyang bilyun-bilyong pondo.

“Sige, gusto mo mag-hearing tayo sa Congress itong sinasabi ko. Sinasabi pa ninyo binulsa ko ang P51-B, sige nga maghanap ka ng bangko dito sa Pilipinas na mag-rerelease niyan,” pahayag ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte, 1st District, Davao City.

“Hahanapan pa ako ng P51-B na para bang dumaan ‘yan sa opisina ko. Kami mga congressman, lobbyist lang kami. Speaker, DPWH, hihiling pa nga kami, ‘yang Coastal Road tapusin ko ‘yan kasi inumpisahan ng kanyang kapatid na hindi tinapos,” dagdag ni Rep. Pulong.

At bakit rin aniya siya sasabihan na dapat ay may sarili nang mga bahay ang kaniyang mga ka-distrito dahil umano sa laki ng pondong napunta sa kaniya.

“P51-B, narinig niyo ‘yung aso na dinemanda ko, hanggang ngayon patuloy ang kaso, ‘di ko nalang sasabihin ang pangalan baka sumikat siya. Ngayon, pumutak na naman, sinabing kada tao daw sa distrito ko dapat may mga bahay na dahil sa P51-B! Magkano ang bahay na ipapagawa ko, tag-P100?” dagdag ni Rep. Pulong.

Ang mga bintang nga aniya na ito ay ginawa dahil sa ambisyon ng nagpapakalat na maging mayor ng Davao City.

“Bata pa ako, ang tatay niyo ginawa akong drug addict. Pagdating kay De Guzman, drug addict, drug pusher. Ngayon, ang mga [—-] ginawa pa akong drug smuggler. Kung drug smuggler ako, mayaman na sana ako, bakit andito pa ako sa harap ninyo ngayon? Bakit pa ako magseserbisyo sa inyo? Naniwala naman kayo diyan sa aso nila.”

“May ibang mga tao dito sa Davao lalo na itong mga party-list na mga—may ibang mga tao dito sa Davao, nagmamadali, ‘di makaantay sa eleksyon,” aniya.

Hindi nga rin maintindihan ni Cong. Pulong kung bakit aniya takot na takot ang mga congressman sa kasalukuyang House Speaker.

“Ngayon, tatlong speaker na ang dumaan sa buhay ko sa politika. Andiyan si Cong. Alvarez, naging speaker, Si Cayetano naging speaker ko, si Velasco naging speaker ko. Ngayon, lang ako nakakita ng congressman na takot sa kanilang speaker, bakit ganyan? Ma-heart attack ako nito.”

“Dalawa lang ‘yan, takot matanggal sa pagka-congressman, gaya ng ginawa nila kay Arnie Teves, pina-Ethics, ‘dun ako papunta, sigurado,” diin ni Rep. Pulong.

Matatandaang sinabi ni Cong. Duterte na ngayong 2024 ay tinapyasan ng liderato ng Kamara ang pondo ng kaniyang distrito ng P2-B at naglaan na lamang ng P500-M para dito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter