VIRAL ngayon sa social media ang posts kaugnay kay Marikina Rep. Stella Quimbo na nagpapakita ng pagkukumpara ng kaniyang pagiging simpleng teacher noon habang ang mga samu’t saring komento sa kaniyang pagiging maluho umano bilang kongresista ngayon.
Para kay Atty. Salvador Panelo, dating chief presidential legal counsel, maituturing karma ang nangyayari ngayon kay Quimbo kasunod ng kontrobersiyal na budget hearing para sa Office of the Vice President (OVP) kung saan siya ang senior vice chairperson ng appropriations panel.
“Nakikita na ordinaryong guro ka lang pagkatapos napakaluho ng iyong pamumuhay ngayon. Dati-rati raw nagta-tricycle, nagdi-dyip, ngayon talagang naka-van, con todo customize.”
“Makikita mo, kalat na kalat sa social media na ngayon ay nasa lente siya. Pinapakita na noong siya’y teacher pa lang, ordinaryo mga damit niya. Ngayon, branded lahat, kumpleto – damit, sapatos, alahas.”
“At tsaka, kapag humaharap sa Kongreso, akala mo nagpa-fashion show. Tuloy, nakikita ng mga tao, kasi nga ‘yan ang tinatawag na nakakarma ka tuloy, binabalikan ka ng mga netizen kasi nang-aapi ka,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Dating Chief Presidential Legal Counsel.
Matatandaang na sa unang pagdinig ay mag-isa lang humarap si Vice President Sara Duterte habang hindi na ito sumipot sa ikalawang pagdinig.
Sa isang panayam, sinabi ni VP Sara ang dahilan kung bakit hindi na ito sumipot sa ikalawang budget hearing.
Aniya, pag-atake lamang umano ang gagawin sa kaniya doon at hahayaan na lamang niya ang desisyon ng House of Representatives.
Samantala, punto pa ni Panelo, bagamat dapat lang talagang busisiin ang budget ng bawat ahensiya ng gobyerno, binigyang-diin nito na hindi dapat maabuso.
“The Constitution is clear on this point. ‘Pag ‘yan ay public position, it’s a public trust. Since ang perang ginagamit diyan [mula] sa taumbayan, talagang dapat suriin ‘yan. Kung ikaw man ay presidente, bise presidente, senador, kongresista, LGU – dapat talagang suriin ‘yan, pero huwag kang mang-aabuso,” giit ni Atty. Panelo.
Ani Panelo, lalo lang mas pinapaboran si VP Sara ng taumbayan sa nangyayaring pang-aapi umano ng Kongreso sa bise presidente kaugnay sa budget hearing.
Sa kabilang banda, mayroon namang panukala si Panelo na dapat magkaroon ng regular na budget ang OVP na hindi bababa sa itatakda ng batas.
“Dapat bigyan ng regular na budget. May ceiling, hindi ka bababa sa isang ceiling. ‘Di ba kung 2 billion ang budget, the following year palaging mag-uumpisa ka sa 2 billion. Pwede kang tumaas pero hindi ka pwede bumaba. Kasi talagang kailangan ng ahensya,” ani Panelo.
Matatandaang tinapyasan ng House appropriations panel nang higit sa kalahati ang P2.1-B proposed budget ng OVP.
Mula sa nasabing panukala, ito’y nasa P733-M na lang.
Bilang tugon ni VP Sara dito, handa naman aniya siyang magtrabaho kahit magkano ang budget na ibigay sa kanila.
Kahit pa aniya kung zero budget pa.
Sinabi naman ni Quimbo na mayroon pang “one last chance” ang OVP para depensahan ang budget proposal nito sa plenary debates sa pamamagitan ng budget sponsor nito na si Rep. Zia Alonto Adiong.