INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na mas maraming paaralan ang inaasahang lalahok sa expansion ng face-to-face classes.
Ayon kay Education Assistant Secretary Malcolm Garma, ito ay dahil sa nakatakdang ilabas ng DepEd ang Revised School Safety Assessment Tool (SSAT) nito na mas ginawang simple at madali para sa mga eskwelahan.
“So in our version two, the revised version of the School Safety Assessment Tool, mas pinadali natin. We have streamlined already the requirements. Nakita natin doon sa version one, because what we learned from the pilot school implementation ay maraming school ang nahihirapan to comply with the safety assessment tool kasi either marami siya o ‘yung iba hindi practical. So, in the version two, which hopefully will come up within the week or later by next week ay medyo pinadali na natin,” pahayag ni Garma.
Dagdag ni Garma, maaring ilabas ng DepEd ang bagong School Safety Assessment Tool ngayon o sa susunod na linggo.
Ang SSAT ay isang checklist na tumutukoy sa kahandaan ng mga paaralan na magdaos ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan sa gitna ng pandemya.
Sa pagpapatuloy ng in-person classes sa gitna ng COVID-19 pandemic, sinabi rin ni Garma na ang Joint Memorandum Circular ng DepEd at Department of Health (DOH) ay isinasapinal na rin para sa pagpapatupad ng face-to-face classes.
Hanggang Marso 22, umabot na sa 10,196 na mga paaralan sa buong bansa ang nagsimulang magsagawa ng limitadong in-person classes.
Samantala, tinatapos na rin ng DepEd ang mga guidelines nito sa pagbibigay ng safety seals, na aniya ay awtomatikong ibibigay sa mga paaralang sumusunod sa SSAT.
“Even our schools will have this seal and what is different is that hindi na po kailangan ibang agency ang mag-grant ng ating safety seal because it will be DepEd who will already grant the safety seal following our guideline. So, ‘yung mga schools that have already complied with the School Safety Assessment Tool ay automatic mabibigyan na po sila or eligible na sila for the conferment of a safety seal,” dagdag ni Garma.