INAPRUBAHAN na ng Tripartite Council on Security ang isang resolusyon na nagdedeklara sa lalawigan ng Nueva Vizcaya bilang insurgency-free.
Sa ginawang 4th quarter meeting araw ng Lunes, nagkasundo ang Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na pirmahan ang joint resolution ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na nagrerekomenda sa lalawigan bilang malaya na mula sa insurhensiya.
Ang nasabing hakbang ay matapos na mabatid na wala nang naiulat na presensiya ng CTGs nitong nakaraang taon at kasalukuyan.
Ayon sa provincial government, ang deklarasyong ito ay isang mahalagang achievement para sa probinsiya na minsang pinamugaran ng mga rebelde.
Nagpasalamat naman si Governor Atty. Jose Gambito sa lahat ng katuwang sa pagkamit sa tagumpay na ito, at kinilala pa ang dedikasyon at sakripisyo ng law enforcement agencies.