Restaurant na may milyun-milyong utang sa kontribusyon, kinalampag ng SSS

Restaurant na may milyun-milyong utang sa kontribusyon, kinalampag ng SSS

GINAWARAN na ng demand letter ng SSS ang isang restaurant sa Tondo, Manila dahil sa milyun-milyong utang nito sa kontribusyon.

Noon pang 2013 ay hindi na umano nagbabayad ng kontribusyon ang isang restaurant na ito sa Tondo, Maynila.

Ang Social Security System (SSS) seryoso sa paghahabol sa mga employer na iresponsable sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Sa Run After Contribution Evaders (RACE) na isinagawa ng SSS Biyernes ng umaga, demand letter na ang iginawad nito sa may-ari ng restaurant.

Base sa record, P2.26-M na umano ang halaga ng unpaid contribution ng restaurant, kasama na dito ang P1.20-M na halaga ng penalties.

Ayon pa sa SSS, lumipat umano ng puwesto ang restaurant na ito kaya hindi agad nila ito nabigyan ng notice of violation.

Hindi rin umano ipinagbigay-alam ng restaurant ang kanilang bagong lokasyon.

Pero paglilinaw ni SSS West Manila Vice President Luchi Limcauco, hindi sila nanakot kundi nagpapaalala sa employer sa kanilang responsibilidad.

Trabahador umano kasi ang nadedehado kapag may hindi nababayarang kontribusyon.

Inaasahan na sa loob ng 15-araw ay kokontak ang restaurant sa SSS para i-settle ang kanilang kontribusyon.

Kung hindi nila ito gagawin, ay sasampahan na sila ng reklamo.

Maliban sa restaurant, 8 pang employer ang kinalampag ng SSS at ginawan ng notice of violation sa bahagi ng Tondo, Manila.

Sa kabuuan, umabot sa 2.17-M ang deliquency ng mga employers habang nasa 3.7-M ang halaga ng deliquency.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter