Rice retailers sa San Juan City, tinanggap na ang P15-K ayuda sa gitna ng pagpatutupad ng rice price cap

Rice retailers sa San Juan City, tinanggap na ang P15-K ayuda sa gitna ng pagpatutupad ng rice price cap

NAKATANGGAP ng P15,000 cash aid mula sa pambansang pamahalaan ang mga retailer ng bigas sa San Juan City na apektado ng Executive Order No. 39 o ang pagpapatupad ng rice price ceiling.

Pinangunahan nina Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual at San Juan City Mayor Francis Zamora ang nasabing pamamahagi ng tulong-pinansiyal.

May kabuuang 48 rehistradong maliliit na retailer ng bigas mula sa San Juan City ang tumanggap ng tulong.

Maliban dito, maglalabas din ang San Juan LGU ng isa pang cash aid para sa mga rice retailer na may mga stall sa Agora Market sa susunod na linggo.

Ayon kay Zamora, makatutulong ito upang makabawi sa pagkalugi ng mga retailer sa mahigpit na pagpapatupad ng rice price cap.

“Hiwalay po diyan mayroon naman silang P5,000 mula sa local government ng San Juan. At para sa mga retailers natin dito mismo sa palengke nagtitinda, tayo ay nakipag-ugnayan sa private management ng palengke kung saan nabigyan natin sila ng 1 month free rent para sa buwan ng Setyembre,” pahayag ni Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Ang lungsod ng San Juan ay isa sa unang apat na LGU sa bansa na nakatanggap ng tulong na pera mula sa Pambansang Pamahalaan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development na apekatdo ng EO 39.

Ang EO 39 ay nag-uutos ng pansamantalang pagpapatupad ng price cap sa regular-milled at well-milled na bigas sa P41 kada kilo at P45 kada kilo, ayon sa pagkakabanggit.

Presyo ng bigas, inaasahang babalik sa normal sa mga susunod na linggo—DA

Sa gitna ng pagpapatupad ng rice price ceiling, patuloy na tinitiyak ng pambansang pamahalaan, ayon kay Secretary Pascual, ang sapat na produksiyon ng bigas sa bansa.

“Inaayos natin ‘yung production ng rice sa farms. Kasi kung malaki ang ani, mas mababa ang cost per kilo. At mas mababa nating mabebenta ‘yung produksyon. Maraming pumapasok doon. Fertilizer, seeds, at tsaka pag-aalaga ng farms. Nandoon pa rin ‘yung isyu ng irrigation at availability ng tubig para sa pagpapatubo ng palay,” saad ni Secretary Alfredo Pascual, Department of Trade and Industry.

Sinabi ng Department of Agriculture na inaasahan na magiging normal na ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo.

Ito ay matapos magsimula ang peak ng harvest season ng palay.

“Actually ngayon, nagstart na last week ng August, ngayon September hanggang early October ang peak ng harvest season para sa wet season. In the next week or two weeks mararamdaman na natin ‘yung pagdami ng locally produced na bigas sa merkado at inaasahan natin na magnonormalize na ang presyo ng bigas. Hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Department of Agriculture.

Inaasahang sa taong ito ay tinatayang aabot sa 13 hanggang 14 milyong metrikong tonelada ng bigas ang iprodyus sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble