‘Sasakyan ng Karunungan’ ng PH Army at LGU ng Agusan del Norte, aarangkada sa Disyembre

‘Sasakyan ng Karunungan’ ng PH Army at LGU ng Agusan del Norte, aarangkada sa Disyembre

SIMULA sa Disyembre 1, aarangkada na ang ‘Sasakyan ng Karunungan’ sa buong lalawigan ng Agusan del Norte.

Sa ilalim ito ng pinagsanib na programa ng lokal na pamahalaang probinsiya ng Agusan del Norte at 402nd Infantry Brigade.

Layon ng programa na mailapit ang tamang impormasyon at kaalaman kaugnay sa mga nangyayari sa lipunan.

Bukod sa mga libreng aralin, aklat at mga pagtuturo, kasama rin sa mga hangad na maipaabot ang kasalukuyang hamon at laban ng pamahalaan kontra insurhensiya.

Gamit ang isang van, iikot ang ‘Sasakyan ng Kaalaman’ sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Agusan del Norte.

Katuwang ang 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army, tiniyak nito na magiging makabuluhan ang hakbang na ito lalo na sa pagtuturo ng pagmamahal at malasakit sa bayan partikular na sa mga kabataan.

Mga kabataan anila na karaniwang biktima ng mga mapanlinlang na propaganda ng CPP-NPA-NDF.

Naniniwala naman ang militar na hindi na ito mangyayari ngayon dahil sa nagkakaisang pagkamulat ng taumbayan mula sa mga panloloko ng New People’s Army lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa.

Batay sa impormasyon ng militar, isa ang Agusan del Norte sa mga lalawigan na binabantayan dahil sa mga natitira pang miyembro ng makakaliwang kilusan.

Bagamat unti-unti na rin itong nalilinis dahil sa sunud-sunod na pagbabalik-loob ng ilang miyembro ng communist terrorist group sa lugar.

Nito lamang Mayo nang sumuko ang 16 na mga kadre ng CPP-NPA na tinukoy na isang malaking dagok sa pamunuan ng kilusan.

Umaasa ang lalawigan ng Agusan del Norte at Philippine Army na magiging matagumpay ang kanilang programa hanggang sa susunod na taon.

Follow SMNI NEWS in Twitter