School desk na nagiging higaan, ibinida ng DOST-Forest Products Research and Development Institute

School desk na nagiging higaan, ibinida ng DOST-Forest Products Research and Development Institute

ISANG makabagong Pinoy school desk na maaaring gawing higaan sa panahon ng sakuna ang kinilala sa Seoul International Invention Fair sa South Korea.

Tuwing panahon ng sakuna, ang mga paaralan ang nagiging evacuation center o pansamantalang tahanan ng mga apektadong pamilya.

Pero ang kakulangan sa espasyo, gamit sa mga silid-aralan at maging ang ‘comfort’ sa loob ng evacuation ang kalimitang nakikitang hamon ng mga evacuees.

Para tugunan iyan, isang makabagong inobasyon ang ibinida ng Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology na tinatawag nilang “Silyang Pinoy.”

Ang nasabing imbensiyon ay hindi lamang isang ordinaryong silya o upuan—ito rin ay nagiging higaan.

“During typhoons and calamities or schools used as evacuation centers pwede na natin siyang i-transform into a bed frame. Imbes sa lapag lang natutulog ‘yung ating mga evacuees, mas komportable siguro na mayroon silang hinihigaan na bed,” pahayag ni Rico Cabangon, Director, DOST-FPRDI.

Sa apat na school desk, maaaring makabuo ng isang higaan na kasya ang tatlong indibidwal.

Gawa ang Silyang Pinoy sa engineered bamboo o isang materyal na gawa sa pinroseso at pinagtagpi-tagping mga hibla, strips, o lamina ng kawayan upang makabuo ng mas matibay na produkto.

Ang naturang produkto ay nakabatay sa Executive Order 879 na nagre-require na dapat 25% sa mga school furniture sa mga pampublikong paaralan ay gawa sa kawayan.

“Ang Silyang Pinoy are being piloted in different areas in the Philippines and of course ang market ay talagang DepEd. Although there are private schools and private companies that are interested in Silyang Pinoy,” dagdag ni Cabangon.

Dahil sa technical excellence, business potential, at design nito ang nasabing inobasyon ay nakakuha ng international na pagkilala.

Nasungkit ng Silyang Pinoy ang Silver Award kamakailan sa Seoul International Invention Fair sa South Korea.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble