PINAYUHAN ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Juan Ponce Enrile ang mga politiko na kumuha ng security na may loyalty sa kanila.
Ito ang pahayag ni Enrile sa kaniyang programa sa SMNI News kaugnay na rin sa nangyaring pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa gitna rin ito ng panawagan na dagdagan ang security detail ng mga politiko.
Giit ni Enrile, hindi kailangan ang police escorts ng mga politiko o ng mga opisyal ng gobyerno kundi mga tauhan na matapat at handang magbuwis ng buhay.
Matatandaan na sinalakay ng mga armadong kalalakihan noong Marso 4 ang residential compound ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental habang nasa gitna ito ng pamamahagi ng ayuda sa mga constituent na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bukod kay Degamo, 7 pa ang nasawi sa naturang pag-atake habang nasa 16 katao naman ang sugatan.