NAKIPAGPULONG nitong Miyerkules si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga miyembro ng US Senate.
Tinalakay nila ang malawak na hanay ng mga isyu na kinabibilangan ng seguridad, depensa, agrikultura, climate change mitigation, economic cooperation at cyber security.
Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni Pangulong Marcos si Sen. Robert Menendez, chairman ng Senate Foreign Relations Committee (SFRC) at iba pang miyembro ng panel sa pagtanggap sa kaniyang delegasyon sa Capitol Hill para sa tapat at produktibong mga talakayan sa estado ng relasyon ng Pilipinas at US.
Dahil naging miyembro ng Philippine House of Representatives at ng Senado, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Manila at Washington ay hindi lamang dapat maganap sa executive kundi maging sa mga miyembro ng lehislatura.
Sa pulong, binanggit ni Pangulong Marcos na ang pakikipag-ugnayan sa depensa at seguridad ay nananatiling pangunahing haligi ng relasyong bilateral ng Pilipinas at US.
Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang pagpayag ng US na makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas bilang isang pantay at sovereign partner.
Ipinahayag din ng Pangulo ang intensiyon ng Pilipinas na palalimin ang pakikipagtulungan sa US sa mga larangan ng supply chain, health and health security, environment, energy security, at interconnectivity.
Kasama ni Pangulong Marcos sa pagpupulong sa Capitol Hill sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, Finance Secretary Benjamin Diokno, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Trade Secretary Alfredo Pascual.
Kabilang sa mga sumama kay Menendez ay si Senator James Risch, SFRC Ranking Member, gayundin ang iba pang opisyal ng Senate Committee on Foreign Relations.
Ang pagpupulong ay bahagi ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington at kasunod ng serye ng mataas na antas na mga diyalogo kasama ang Pangulo ng US na si Joseph Biden at Bise Presidente nito na si Kamala Harris.