Sen. Alan Cayetano, agad na kumilos para tulungan ang mga Batangueño mula sa volcanic smog

Sen. Alan Cayetano, agad na kumilos para tulungan ang mga Batangueño mula sa volcanic smog

AGAD na umaksiyon si Senator Alan Peter Cayetano noong Setyembre 23 sa pagbibigay ng libu-libong face mask para sa mga Batangueño na apektado ng volcanic smog ng Bulkang Taal.

Sa tulong ng Emergency Response Department (ERD) team ng senador at sa pakikipagtulungan ng dating kinatawan ng ika-2 distrito ng Batangas na si Raneo Abu, nagbahagi sila ng mga protective mask para sa mga residente ng mga bayan ng Agoncillo, Balayan, at Batangas City.

Ang donasyon ay isinagawa habang patuloy na naglalabas ng volcanic gas ang Bulkang Taal, at nagdudulot ng pagbaba ng kalidad ng hangin sa mga paligid na lugar.

Inirekomenda ang pagsuot ng face mask bilang proteksiyon sa mga residente.

Samantala, sinuspinde ang face-to-face classes at trabaho sa mga opisina sa mga apektadong lugar upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at empleyado.

Noong Setyembre 22, 58 na mag-aaral mula sa Tuy, Batangas ang dinala sa Rural Health Unit (RHU) matapos maapektuhan ang kanilang kalusugan ng volcanic smog.

Bagama’t nananatiling nasa low alert level ang Bulkang Taal at hindi kinakailangang lumikas, maaring makaapekto pa rin ang volcanic smog sa kalusugan ng mga tao.

Ito ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata at lalamunan, ubo, at hirap sa paghinga.

Ang mga taong may mga pre-existing na kondisyon sa respiratory system ay lalo pang nanganganib sa mga epekto nito.

Ang ERD initiative ni Cayetano ay bahagi ng kaniyang ‘Bayanihan Caravan,’ isang programa kung saan iba’t ibang uri ng tulong ang ibinabahagi sa mga vulnerable sector ng bansa at mga Pilipinong nangangailangan, kasama ang mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter