MAY sagot si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pang-uugnay ng Lapid case kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte .
‘’Malayong magkaroon ng interes at motibo.’’
Ito ang naging sagot ni Sen. Bato dela Rosa hinggil sa mga pang-uugnay ng Percy Lapid case kay dating Pangulong Duterte.
Lalo na at posibleng isinama si dating Pangulong Duterte sa sinasabing 160 persons of interest sa naturang kaso.
Maliban sa pagpuna ni Lapid kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., magugunitang matinding kritiko rin ang broadcaster kay dating Pangulong Duterte.
Ayon dito kay Senador dela Rosa, kung nais lang talaga ni dating Pangulong Duterte na ipapaslang si Lapid ay dapat noon pa habang nasa panunungkulan pa ito.
Ito’y dahil maaari pa aniyang magamit ng dating Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang kapangyarihan laban kay Lapid.
Subalit, ngayong wala na sa panunungkulan si dating PRRD, ani Dela Rosa, malinaw na wala na itong rason para pansinin si Lapid dahil wala ng career na inaalagaan pa si dating Pangulong Duterte.