Sen. Cayetano, pinanindigan ang panawagan sa mga senador na makipag-usap muna sa Pangulo bago gumawa ng ‘agresibong’ hakbang sa WPS

Sen. Cayetano, pinanindigan ang panawagan sa mga senador na makipag-usap muna sa Pangulo bago gumawa ng ‘agresibong’ hakbang sa WPS

SINABI ni Senator Alan Peter “Compañero” Cayetano nitong Huwebes na malinaw ang kaniyang intensiyon sa hindi pagsang-ayon sa agarang pag-apruba sa Senate Resolution 659 kahapon, at ito ay ang ipagpaliban muna ng mga senador ang panukala habang hindi pa nila nalalaman ang diskarte ng Presidente sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang panayam sa media matapos ang Handa Pilipinas innovations exposition ng Department of Science and Technology noong July 27, 2023, nanindigan si Cayetano na hindi niya pinigilan ang mga senador na ipasa ang resolusyon kundi hinimok sila na magsagawa muna ng malalimang pagdinig sa komite bago pangunahan ang Presidente.

“Ang sinabi ko kahapon, bakit natin ito ipapasa [samantalang] malinaw sa Supreme Court na ang nagde-decide ng strategy sa foreign affairs ay Presidente, at malinaw na hindi pa natin pinapakinggan [ang strategy niya],” aniya.

Ang Senate Resolution 659, na nakatakdang aprubahan sa plenary session kahapon, ay naglalayong himukin ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) para patigilin ang China sa ginagawa nitong panggigipit sa mga military personnel ng Pilipinas sa WPS.

“Hindi natin alam kung gusto ng Malacañang na mag-file sa UNGA. Hindi natin alam kung gusto ng DFA,” diin ng independent senator sa nasabing panayam.

‘Patient at effective na strategy’

Giit ni Cayetano, na nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018 sa ilalim ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaisa siya ng mga senador at mamamayang Pilipino sa pakikipaglaban para sa karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo, pero nababahala siya na magresulta sa hindi maganda kung dadalhin ang usapin sa United Nations (UN).

“Hindi po usapan dito kung gusto nating lumaban. Ang question dito, ano ang effective na laban,” aniya

“Hindi ako anti-kahit sino. I’m pro-Philippines. Ang Pilipinas ay dapat sa Pilipinas,” dagdag niya.

Rekomenda ni Cayetano, mas makabubuti ang bilateral approach sa agawan sa WPS, kung saan makikipag-usap nang one-on-one ang Pilipinas sa China.

Inihalimbawa niya ang estratehiya ng administrasyong Duterte kung saan pinanindigan ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa pinag-aagawang dagat sa pamamagitan ng harapang pakikipag-usap ng DFA at Pangulo sa China.

“We have to find a way to be patient and to find a way that will be effective,” aniya.

“Kung tatanungin niyo ‘ko at kaharap natin ngayon ang ating Chinese counterparts, unang-unang sasabihin ko, ‘Pwede ba mga pare sa lahat ng mga problema natin ilabas natin ang coast guard? Pwede bang ‘yung mga coast guard huwag natin magharangan? Nagawa na natin ‘yon,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, sabi ng senador, kung lalabas na pinili ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang multilateral na approach, mas magandang plataporma ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa Pilipinas kaysa UNGA.

“Kung ang Malaysia at Vietnam ay nasa UNGA din at hindi tayo, then may mukhang mali tayong ginagawa. Pero kung sila ay pagganda nang pagganda ang relationship with China, nagkakaroon sila ng stability sa West Philippine Sea with China, gumaganda economy nila with China, kailangan mag-isip din tayo anong nagiging problema,” pahayag ni Cayetano.

Sinabi ng independent senator na hindi epektibong hakbang laban sa isang “superpower” tulad ng China ang pagiging agresibo, na minsan nang pinagbawalan ang Pilipinas na i-export ang mga prutas nito sa kanilang bansa at naipit pa sa tensiyon ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Madaling sabihing sigawan natin ang China sa lahat ng forums, madaling sabihing pahiyain natin. [Kaso] hindi nga napapahiya eh, lalo lang nagiging agresibo at lalong maraming Pilipino ang naapektuhan,” aniya.

“Mas kawawa po ang fishermen kung sigawan tayo nang sigawan with China. Kung gusto nating ayusin ang problema sa fishermen, diplomacy [ang paraan],” dagdag niya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter