BINIGYANG-diin ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kahalagahan ng integridad sa pagpapanatili ng public order.
Hinimok din niya ang mga alagad ng batas at mga ahensiya ng gobyerno na huwag nang hintaying kumalat muna sa social media ang mga paglabag sa batas bago nila ito aksyonan.
Ipinahayag ito ni Cayetano sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa panghahampas at pagkakasa ng baril ng isang dating pulis sa isang siklista, na nakunan ng camera at kalaunan ay nag-viral.
Hinimok niya ang mga alagad ng batas at mga ahensiya ng gobyerno na magkusang hanapin ang mga problemang kailangan nilang solusyunan.
Aniya, palaging may mga pribadong indibidwal at mga non-government organization na lulutang para manawagan na mag-imbestiga.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na umaasa siya na ang pag-angat ng insidente sa Senado ay magbubunga ng maganda.